Mahaharap sa kasong intentional abortion ang isang 19-anyos nang umano’y sadyain nitong ilaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan, iniulat kahapon.
Nakalabas na ang kalahating katawan ng sanggol sa ari ng suspek, may live-in partner, ng Bacoor, Cavite, nang isugod siya sa Ospital ng Maynila, sa Malate, kamakalawa ng umaga.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Jonathan Bautista, ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 9:00 ng umaga nang isugod ang suspek ng kanyang live-in partner sa nasabing ospital dahil sa labis na pananakit ng tiyan.
Nang suriin ng doktor, nadiskubre patay na sanggol, tinatayang nasa apat at kalahating buwang gulang, sa kanyang sinapupunan.
Sa imbestigasyon, inamin umano ng suspek na nakipag-live-in siya sa kanyang katrabaho, at nang madiskubreng buntis siya noong Setyembre, pilit umano niyang inilaglag ang sanggol at pinagsusuntok ang tiyan.
Nang hindi malaglag ay naisipan umano niyang bumili ng gamot pampalaglag at dalawang beses uminom noong Disyembre 29.
Kasalukuyang nakaratay sa nasabing ospital ang suspek na binabantayan ng mga awtoridad upang hindi matakasan ang kakaharaping kaso. (Mary Ann Santiago)