NATATANGI at isang mahalagang araw sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas ang ik-30 ng Disyembre sapakat paggunita ito sa kabayanihan at martyrdom ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal--makata, nobelista, manggagamot, manunulat, engineer, historian at international playboy. Saan mang panig ng ating bansa ay sabay-sabay ginunita kahapon ang kadakilaan at pagiging martir ng pambansang bayaning isinilang sa Calamba, Laguna.
Sa Rizal na ang pangalan ng probinsiya ay hango sa ating pambansang bayani, joint commemoration ang ginawa ng pamahalaang panlalawigan at ng pamahalaang lungsod ng Antipolo. Tampok na bahagi ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal. Ito ay pinangunahan nina Rizal Gov. Nini Ynares, Antipolo City Mayor Jun Ynares, at ng mga miyembro ng Sanggunian Panlalawigan at Sangguniang Panlungsod ng Antipolo. Kasunod ang isang simple ngunit makahulugang programa. Sinimuln sa panimulang panalangin ni board member Glenn Gongora, ng unang distrito ng Rizal, ng pagpapahayag sa Panatang YES (Ynares Eco System) ng mga Rizalenyo na pinangunahan ni board member Rommel Ayuson, ng ikalawang distrito ng Rizal.
Matapos ang welcome address ni Rizal Vice Gov. Dr. Reynaldo San Juan, Jr. ay nagbigay ng kanyang mensahe si Rizal Gov. Nini Ynares. Sa bahagi ng mensahe ni Gov. Ynares, sinariwa niya ang kagitingan, kabayanihan at ang martyrdom ni Dr. Jose Rizal na naging inspirasyon ng mga Pilipino sa paglulunsad ng Himagsikan laban sa mga mapanupil at mapanakop na dayuhang Kastila. At maibalik ang inagaw na Kalayaan ng ating tinatamasa at inaalagaan ngayon.
Ayon sa kasaysayan, sa lawak ng karunungan ni Dr. Jose Rizal, naging bahagi siya ng mahahalagang bagay na napapaloob sa kasaysayan ng Pilipinas. Si Rizal ay kalaban ng lahat ng uri ng katiwalian at kasamaan sa pamahalaan at lipunan.
Isang sakit na sa paglipas ng panahon ay patuloy na sumisira sa pinakaugat ng ating lahi. Ang mga katiwalian at kasamaan sa pamahalaan at lipunan ay nilabanan ng ating pambansang bayani sa pamamagitan ng kanyang isinulat na dalawang klasikong nobela na may titulong ‘Noli Me Tangere’ at ‘El Filibusterismo’.
Naniniwala ang ating pambansang bayani na ang tao at ang pamahalaan ay magkaugnay. Hindi maaaring magkasama ang isang bulok na gobyerno at isang masamang sambayanan, gayundin naman ang isang masamang sambayanan at isang mabuting pamahalaan. Dahil dito, malaki ang hangarin ni Dr. Jose Rizal na ang tao’y dapat maturuan nang wasto at mabuti. Nais niyang magising ang kanilang damdaming makabayan sapagkat ang karunungan at kalayaan ay napakahalaga sa buhay ng tao.
Kung wala ang mga nabanggit, wala ring magagawang pagbabago at paraan upang makamtan ang kanilang mithiin at pangarap.
Ang ating pambansang bayani, tulad ng iba’y biktima ng hustisya. Pinatunayang nagkasala sa mga kasong hindi niya ginawa. Ang pakikipagsabwatan sa armadong paghihimagsik noong panahon ng mga prayle at kastila.
Ang kagitingan ni Dr. Jose Rizal ay isang magandang halimbawa kung paano lumalakas ang loob ng isang tao sa harap ng malupit na kamatayan dahil sa isang mapanikil na kaayusan na ibig niyang baguhin. Ang pagiging martir ni Dr. Jose Rizal ay nagsindi ng ningas ng pagkamakabayan. (Clemen Bautista)