Nasawi ang alkalde ng Lanao del Norte habang sugatan naman ang dalawa niyang police escort makaraan silang tambangan sa national highway sa Sitio Paitan sa Barangay Dalipuga, Iligan City, nitong Huwebes ng gabi.

Sa report mula sa Police Regional Office (PRO)-10 sa Cagayan de Oro City, kumpirmadong namatay si Pantar Mayor Mohamad Exan Limbona.

Ayon sa report, galing sa Cagayan de Oro City at patungong Pantar ang itim na Ford Everest ng alkalde, kasama ang kanyang asawa, anak na babae at dalawang police escort, nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang suspek dakong 9:45 ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Limbona habang nasugatan naman sa ambush sina PO1 Russel Jay Paltingca at PO1 Saidamen Haji Naim, kapwa operatiba ng Pantar Municipal Police.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Hindi naman nasaktan ang mag-ina ng alkalde, ayon sa report.

Tinutugis na ang mga tumakas na suspek, habang tinitingnan naman ng pulisya ang anggulong rido o away ng mga angkan na motibo sa pananambang. (FER TABOY at CAMCER ORDOÑEZ IMAM)