Duguang bumulagta sa semento ang umano’y kilabot na tulak matapos pumalag at makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni QCPD Director Police Chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar ang nasawing suspek na si Ricardo Bangit, Jr., 38, ng Bagong Landas Street, Barangay San Agustin, Novaliches, Quezon City.
Tinangka pa umanong isugod sa ospital si Bangit ngunit huli na ang lahat dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Sa inisyal na ulat ni PO2 Ariel Capulong, desk officer ng QCPD-PS4, dakong 3:00 ng madaling araw isinagawa ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID), sa pamumuno ni PS1 Randy Llanderal, ang buy–bust operation sa Heavenly Drive, Bgy. San Agustin, Novaliches, Quezon City.
Sa kasagsagan ng transaksiyon sa pagitan ng poseur buyer ng QCPD at ng suspek, nakahalata umano si Bangit sa operasyon kaya ito bumunot ng baril at aktong papuputukan ang poseur buyer subalit inunahan na siya nito at tuluyang rumesponde ang mga awtoridad na siyang ikinasawi ni Bangit.
Napag–alaman na kabilang sa drug watch list ng QCPD si Bangit at hinimok na ring sumuko sa Oplan Tokhang ngunit patuloy na pa rin umano sa pagtutulak.
Nakuha ng mga tauhan ng Scene on the Crime Operation (SOCO) ang isang .45 kalibre na baril, mga basyo ng bala, drug paraphernalia, mga plastic sachet ng umano’y shabu at P1,000 buy–bust money. (Jun Fabon)