Malapitang pinagbabaril ng isang ‘di pa nakikilalang lalaki ang dating Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa Pasay City, nitong Huwebes ng gabi.
Ilang tama ng bala sa ulo at katawan ang ikinamatay ni Richard Corral, 22, binata, ng Don Carlos Village, Barangay 187 ng nasabing lungsod.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nag-iisang suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa ulat ng Pasay City Police, bandang 9:00 ng gabi nangyari ang pamamaril sa harap ng isang salon sa Taft Avenue, Bgy. 97, Zone 14.
Nakatayo umano ang biktima habang hinihintay ang kanyang nobya na si Ave Del Mar, nagtatrabaho sa salon, nang sumulpot ang suspek na armado ng kalibre .45 baril at makailang beses pinaputukan sa ulo at katawan si Corral hanggang sa duguang bumulagta.
Sa pahayag sa pulisya ni Del Mar, nagsasara na sila ng salon nang makarinig ng tatlong putok ng baril hanggang sa makitang duguang nakahandusay at wala nang buhay ang kanyang nobyo.
Narekober ang anim na basyo ng bala ng naturang kalibre ng baril at inaalam na rin kung may closed circuit television (CCTV) camera sa lugar upang makatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng suspek.
Patuloy ang imbestigasyon sa pamamaril. (Bella Gamotea)