May 785 bagong HIV/AIDS infection sa bansa ang naitala ng Department of Health (DoH) nitong Nobyembre, kabilang ang isang 6-anyos na lalaki, limang buntis at 21 namatay.
Batay sa ulat ng HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines (HARP), 89(%) porsiyento o 672 kaso ang asymptomatic o walang sintomas nang madiskubre habang 86 ang nahulog na sa AIDS. Ang 96% o 727 sa mga biktima ay lalaki at 31 ang babae.
Isang anim na taong gulang na lalaki ang nasalinan ng sakit ng kanyang ina, 220 ang nasa 15-24 taong gulang, 396 ang may edad 25-34, at 18 ang nasa 50 anyos pataas.
Limang buntis ang napabilang sa bagong kaso ng HIV/AIDS -- tatlo sa Metro Manila, isa sa Region 7, at isa sa CARAGA Region.
Ang 732 kaso ay nahawa dahil sa pakikipagtalik, 25 dahil sa pakikigamit ng karayom ng kapwa drug users, at isa ang mother to child transmission o nahawa sa kanyang ina.
Pinakaraming kaso ang nataila sa National Capital Region (NCR), na may 301 kaso o 40%, sumunod ang Region 4A (108 o 14%), Region 3 (73 o 10%), Region 7 (72 o 10%), at Region 11 (47 o 6%). (Mary Ann Santiago)