LEMERY, Batangas - Limang bus ng Del Monte Land Transportation Bus Company (DLTB Co.) ang umano’y sinunog ng sarili nitong mga empleyado matapos isagawa ang mass rally sa terminal nito sa Lemery, Batangas nitong Huwebes ng gabi.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 7:10 ng gabi nang sunugin ang mga bus sa DLTB Terminal sa Barangay Malinis.

Tatlo umano sa limang bus ang lubusang tinupok ng apoy habang bahagya namang nasunog ang dalawa pa. Sa kabuuan, nasa P30 milyon ang halaga ng napinsala sa insidente.

Napaulat na narinig ang biglaang pagsabog sa paligid ng terminal at nakitang nasusunog ang isang bus, hanggang sa madamay ang apat na iba pa.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Umabot ng halos isang oras bago tuluyang naapula ang apoy.

KAKASUHAN

Iniulat na naaresto ang apat sa mga empleyadong kasama sa rally, habang pinaghahanap pa ang ibang kasamahan ng mga ito.

Sinabi naman ni Atty. Vicente Joyas, ng Legal Department ng DLTB Co., na maghahain ng karampatang mga kaso ang kumpanya laban sa mga nagsunog sa limang bus.

WELGA KAHIT NEW YEAR

Kasabay nito, ipinagpapatuloy naman ng mga driver at konduktor ng kumpanya ang kanilang welga sa DLTB terminal sa Makati City, upang igiit ang patas na pasahod at iba pang benepisyo para sa mga empleyado.

Sa pagsisimula ng welga nitong Miyerkules, iginiit ng mga driver na kulang ang ipinasusuweldo sa kanila, hindi nabibigyan ng mga benepisyo bukod pa sa hindi binayaran ang kanilang 13th month pay, night differential pay at overtime pay.

“Hangga’t hindi kami dinidinig ng management, hindi kami aalis. Mananatili kami rito kahit abutin pa kami ng New Year,” sinabi kahapon ni Nick Elman, director ng DLTB-Association of Genuine Labor Organization.

(Lyka Manalo, Danny Estacio at Martin Sadongdong)