Matapos pagkalooban ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald dela Rosa ng 24 oras ang Caloocan Police Station para magsagawa ng imbestigasyon, nadakip na ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang isa sa apat na suspek na pumatay sa pitong katao sa lungsod na ito, nitong Miyerkules ng gabi.
Hiniling ni NPD Director Sr. Supt. Roberto Fajardo sa mga mamamahayag na huwag munang banggitin ang pangalan ng nadakip na suspek, hanggat hindi pa nahuhuli ang tatlo pa nitong kasamahan.
Maging ang impormasyon sa pagkakadakip sa suspek ay hindi idinetalye, pero sinabi ng opisyal na naaaresto ito ng kanyang mga tauhan kinaumagahan matapos ang pamamaril.
Matatandaang nitong Disyembre 28, dakong 9:00 ng gabi, pinagbabaril ng apat na suspek ang bahay ng pamilya Santor, na ikinasawi nina Angelito Serrano, 16; Jinek Segovia, 15; Sonny Espinosa, 14; Cristina Santor, 45; Annalyn Dayamla, 25; Ednel Santor, 22, at Kenneth Lim, 20, pawang taga- Package 14, Barangay 176, Bagong Silang.
Kaugnay nito, labis ang pagdadalamhati ni Ma. Isabelita Espinosa, ina ni Sonny.
Ayon kay Isabelita, upang magkaroon ng baon at pandagdag sa kanilang gastusin, araw-araw nangunguha ng talbos ng kamote si Sonny na siya nitong ibinebenta.
“Napakabait po ng anak ko at napakabata pa para mamamatay. Dapat kung sino lang ang may kasalanan ‘yun ang patayin nila at hindi ang walang malay na kagaya ni Sonny,” pahayag ni Isabelita.
Dalangin ng ginang, sana’y wala nang magaya sa kanyang anak na inosenteng pinatay. (ORLY L. BARCALA)