HITIK sa aksiyon at karanasan ang kaganapan sa mundo ng volleyball sa bansa, tampok ang pagdaraos ng dalawang international competition bukod sa mga liga sa kolehiyo at commercial league kung saan nagpamalas ng husay ang ating mga lokal na manlalaro.
Sa idinaos na Asian Women's Club Championships (AWCC) sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna noong Setyembre at FIVB Women's Club World Championships (CWC) sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Oktubre, umangat ang talento at kakayahan ng National Team sa pangunguna ni Alyja Daphne 'Jaja' Santiago.
May taas na six-foot-six at edad 20,nagniningning ang husay ni Santiago ngayong taon sa ipinakita niyang kakayahan na umani ng papuri hindi lamang ng mga Filipino coaches kundi maging ng mga dayuhan.
Bilang patunay ng kanyang husay, nagwagi si Santiago ng dalawang Most Valuable Player award ngayong taon bilang bahagi ng kanyang club team na Foton sa PSL Grand Prix at ng kanyang paaralan na National University sa Collegiate Conference ng Shakeys V-League kung saan kapwa siya nakasungkit ng back-to-back championship.
Naglaro rin siya para sa Foton Pilipinas na lumaban sa AWCC at ng PSL-F2 Logistics Manila na lumaban sa CWC.
Si Santiago ang tumayong kapitan ng Foton Pilipinas sa AWCC kung saan nagtapos sila sa pangpitong pwesto.
Bagama’t nagtapos sa huling pwesto sa CWC, bilang isa sa tinaguriang "Magnificent Seven" na nabigyan ng "golden ticket" para maging bahagi ng PSL-F2 Logistics Manila na binuo ng pitong local players at pitong imports, nakapanalo ng isang set ang koponan laban sa Ezcasibasi Vitra ng Turkey, ang unang set na napanalunan ng Pilipinas sa world stage ng volleyball.
Umani ng papuri si Santiago, di lamang ng kanyang mga kakampi at coaches, kundi pati na rin ng kanyang mga nakalaban dahilan para mas magpursigi pang pagbutihan niya ang kanyang laro na nagresulta sa dalawang MVP awards.
Maliban kay Santiago, natunghayan din ang tagumpay ng De La Salle University at Ateneo De Manila University sa UAAP volleyball, Pocari Sweat sa Shakey's V-League at ng RC Cola-Army, F2 Logistics, at Foton sa PSL.
Nakaakyat muli sa tuktok ng UAAP ang Lady Spikers na tinalo ang karibal na Ateneo sa women's division, 2-1, sa kanilang best-of-three Finals series, kung saan natunghayan ang pagtatapos ng collegiate career nina dating UAAP MVP Ara Galang at Mika Reyes para sa La Salle, at three-time UAAP MVP Alyssa Valdez para sa Lady Eagles.
Nasungkit naman ng Blue Eagles ang back-to-back championships sa men's division, sa pangunguna rin ng kanilang graduating team captain na si Ysay Marasigan.
Namayani naman sa Open at Reinforced Conference ng Shakey's V-League ang Pocari Sweat sa pamumuno nina dating La Salle Lady Spiker Michelle Gumabao, Melissa Gohing, NU Lady Bulldogs’ Myla Pablo, at dating FEU Lady Tamarraw na si Gizelle Sy. Napanalunan naman ng RC Cola-Army ang unang PSL Invitational sa pangnguna ni Jovelyn Gonzaga habang naiuwi naman ng F2 Logistics ang korona ng All-Filipino Conference sa likod ng kauna-unahang libero na nagwagi ng MVP award sa liga, si Dawn Macandili. (Marivic Awitan)