“MAS may acting si Ronnie (Alonte) dito sa Seklusyon kaysa sa Vince & Kath & James,” narinig naming komento ng mga nakasabay naming nanood ng naturang pelikula.
Hindi pa namin napapanood ang Star Cinema movie kaya hindi kami makapagbigay ng komento, pero maganda ang paliwanag sa amin ng mga kasama namin sa bahay.
“Sa Vince & Kath & James kasi, napakagaling ni Joshua Garcia, kaya hindi mo masasabing may acting si Ronnie, while sa Seklusyon, si Ronnie ang bida kaya mapapansin siya, though magaling din ‘yung tatlong kasamahan niyang magpapapari rin (ang roles),” esplika sa amin.
Nagustuhan namin ang acting ni Ronnie sa Seklusyon bilang baguhan.
Kuwento ng apat na seminarista na bago ordinahan ay kinailangan munang sumailalim sa seklusyon para makaiwas sa tukso ng demonyo, pero hindi pa rin sila nakaligtas dahil sa pinuntahan din nila dinala ang batang manggagamot (Rhed Bustamante) na pinaniniwalaan ng lahat dahil marami nang napapagaling, pero sugo pala siya ng demonyo.
May tinatakasan sa buhay ang apat na magpapari, tulad ng character ni Ronnie na iniwan ang nobyang buntis dahil ayaw ng obligasyon, tumatakas din sa obligasyon ang papel ni Dominic Roque na ayaw alagaan ang inang maysakit sa utak.
Ang isa sa baguhang aktor (‘di pa namin knows ang name) ay nakaranas ng giyera at namatay sa gutom ang mga kapatid na pinagdamutan niya, at patuloy ang katakawan kaya lagi siyang nasisita dahil wala siyang ginawa kundi kumain nang kumain.
‘Yung huling baguhang aktor ay pedophile naman dahil mahilig sa mga batang babae, na pinagsisihan niya.
Nabuking ang mga lihim na ito ng apat na diyakono nang dumating ang batang manggagamot o ang bulaang propeta.
Paniwalang-paniwala ang mga seminarista sa sugo ng demonyo maliban kay Ronnie.
Tumakas si Ronnie pero hinabol siya ni Rhed at nabagok ang ulo sa bato at nawalan siya ng malay at dito niya nakita ang totoong tinatakasan niya at pinapili siya kung itutuloy ang pagpapari o itatama ang kamalian niya.
Nagising siya sa tabi ng bata na nagsabing huwag itong iwan dahil kailangan siya, pero nagmatigas si Ronnie at gusto na niyang iwasto ang mga pagkakamali niya.
Dito na ibinunyag ng sugo ng kadiliman na kailangan nito ng mga tagasunod sa loob ng simbahan kaya kailangang matuloy si Ronnie sa pagpapari.
Pero nagtagumpay si Ronnie, sinaksak niya ang batang kampon ng dilim at sabay alis sa seklusyon, kaya ang tatlong kasamahan lang niya ang natuloy bilang ganap na pari.
Sa intindi namin, hindi pinagsisihan ng tatlong nagpari ang kanilang mga kasalanan kaya ipinagpatuloy pa rin nila ang pagsusuot ng abito. Samantalang mas piniling umalis ni Ronnie para magsisi at iwasto ang mga pagkakamali.
Hindi karaniwang horror movie na may mga gulatan ang Seklusyon. May pagka-intellectual at may mga allegory o talinghaga ang pelikulang ito ni Direk Erik Matti.
May hawig ang tema nito sa mga pelikula ni Tom Hanks na hinalaw sa best-seller books ni Dan Brown tulad ng Da Vinci Code (2006), Angels & Demons (2009) at Inferno (2016) na may kinalaman sa Simbahang Katoliko.
Nu’ng dumalo kami sa grand presscon ng Seklusyon ay sinabi ni Direk Erik na mas nakakatakot ang pelikula na hindi niya ginamitan ng effects para maging natural.
Pero hindi kami natakot dahil mas pinag-isip kami nito. Wala itong gulatan. Kaya safe ito sa mga maysakit sa puso at gustong magmuni-muni sa walang katapusang paglalaban ng mabuti at masama. Kung kayo ang moviegoer na gustong pinag-iisip pa rin ng pinanood hanggang makauwi na ng bahay, para sa inyo ang pelikulang ito.
Buo ang istorya at malinaw ang pagkakakuwento at maganda ang production design at cinematography.
Mahusay si Rhed Bustamanta. Magaling din dito sina Neil Ryan Sese at Lou Veloso. Kudos sa Reality Entertainment.
(REGGEE BONOAN)