Kalaboso ang inabot ng isang turistang Romanian makaraan siyang makumpiskahan ng iba’t ibang credit card at ATM card nang tangkaing mag-withdraw sa ATM ng isang bangko sa Makati City, nitong Miyerkules.
Kinilala ni Makati City Police chief, Senior Supt. Milo Pagtalunan ang suspek na si Mustafa Ghiocan, 36, may asawa, pansamantalang nanunuluyan sa hotel sa Burgos Street, Barangay Poblacion.
Sa ulat ng pulisya, dakong 10:30 ng umaga nang dinakip ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) at mga kinatawan ng bangko si Ghiocan sa ATM sa Salcedo Street, Legaspi Village sa Bgy. San Lorenzo.
Nakumpiska sa dayuhan ang 18 iba’t ibang card.
Nahaharap sa paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998 (RA 8484) sa Makati Prosecutor’s Office si Ghiocan na nakapiit na ngayon. (Bella Gamotea)