Arestado ang isang pedicab driver na umano’y nangmolestiya sa isang menor de edad na estudyante sa Pasay City nitong Miyerkules. Ang nakatatandang kapatid ng biktima, na isa ring menor de edad, ay inabuso at ginahasa umano ng suspek ilang taon na ang nakalilipas, ayon sa report.

Kinilala sa report sa Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Pasay City Police ang suspek na si Emil Bongayal, 32, ng No. 12 Beneta Street, Barangay 177, Zone 18, Malibay.

Inaresto si Bongayal ng mga pulis at opisyal barangay bandang 2:00 ng hapon sa loob ng kanyang bahay matapos ireklamo ng ina ng 13-anyos na biktimang estudyante sa high school.

Batay sa imbestigasyon, ikinuwento ni Nita na pinapunta siya ni Bongayal sa bahay nito dahil may “regalo” umano ito sa kanya. Nang mga oras na iyon ay umalis ang ina ng dalagita.

Atty. Nicholas Kaufman sa nilabas ng ICC na listahan ng co-perpetrators ni FPRRD: 'Politically motivated!'

Gayunman, nauwi umano sa pangmomolestiyang seksuwal ang “regalo” hanggang pagbantaan umano ng suspek ang dalagita na papatayin ang ina ng huli kapag nagsumbong sa mga pulis.

Sa kabila nito, nagsumbong pa rin ang dalagita sa ina kaya kaagad na ipinaaresto ng ginang si Bongayal.

Habang iniimbestigahan sa pulisya ang suspek ay nagtapat ang nakatatanda at 16-anyos na kapatid ng biktima na minolestiya siya ni Bongayal noong 2012 at ginahasa noong 2014. (Bella Gamotea)