ANG Liberal Party, na namayani bilang ruling party sa loob ng anim na taon ng administrasyong Aquino, ay tila susunod na lamang sa yapak ng mga natalong ruling party nang umupo na ang bagong administrasyong Duterte noong Hunyo 30.
Karamihan sa mga miyembro nito ay lumahok sa “super-majority” na pinamumunuan ng PDP-Laban, ang partidong inaaniban at nangampanya para kay Presidente Duerte. Sa isang pagkakataon, nang akusahahan ng President ang mga “yellow” na naghahangad na mapatalsik siya sa kapangyarihan, nagsalita ang bagong acting LP President na si Sen. Francisco Pangilinan na umalis na ang karamihan sa mga lider ng partido at lumipat sa iba. Iilan na lamang ang natitirang pinuno ng LP, na sabi niya ay magkakasya na lamang sa loob ng isang Volkswagen.
Noong nakaraang linggo, nagpahayag si Bise Presidente Leni Robredo ng pagkilos ng partido na tila nagpapahiwatig na hindi pa tuluyang naglalaho sa pakikisangkot sa mga pambansang gawain ang Liberal Party. Ang mga lider ng partido, sabi niya, ay magpupulong ngayong Enero, kabilang si dating Presidente Benigno S. Aquino III at ang LP presidential candidate noong 2016 na si Mar Roxas. May ilang pagtitipun-tipon ang ilang miyembro ng LP sa House of Representatives, sabi niya, pero ang pagpupulong na ito ay kabibilangan ng mga opisyal ng pamahalaang lokal at iba pang mga pinuno ng partido.
Ang partido, sabi niya, ay mag-uusap-usap tungkol sa ilang isyu tulad ng panukalang pagpapanumbalik ng parusang kamatayan, pagbaba ng legal na edad sa pananagutan ng mga batang nakagagawa ng krimen, at ang panukalang pagsusog sa batas sa buwis. Ang pangunahing isyu ay ang pederalismo na isinusulong ng administrasyong Duterte sa papamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass).
Binigyang-diin ni dating Senate President Franklin Drilon, na ngayon ay chairman ng LP, ang apat na isyu sa Charter change na kinakailangang maresolba. Una, kung ito ba ay lubhang kailangan; pangalawa, anu-anong bahagi ang kinakailangang baguhin; pangatlo, kung ang pagbabago ay sa pamamagitan ng Con-Ass sa ng Constitutional Convention (Con-Con); at pang-apat, kung sa pamamagitan ng Con-Ass, magkasama bang boboto ang Senado at ang Mababang Kapulungan o magkahiwalay.
Sa lahat ng mga isyu na kinakailangang talakayin sa pulong sa Enero, sinabi ni Bise Presidente Robredo, bubuuin ang “policy body”. Lilinawin nito ang magiging paninindigan ng partido at gagabayan ang mga miyembro kung paano makikipagtulungan sa administrasyon at sa iba pang mga partido sa Kongreso, sa pagtalakay sa Charter amendment, at sa iba pang pampublikong talakayan.
Ang pagkilos ng LP ay magpapatatag sa party system na pinaniniwalaang nakakatulog at hindi na sumusulong, katulad din ng nangyari sa mga nakaraang pagbabago ng rehimen sa bansa simula noong 1986. Ang iba pang partido, tulad ng Nationalist People’s Coalition at Nacionalista Party, kinakailangan ding magsikilos at magpulong upang maiparamdam ang kanilang kahalagahan sa pagsulong ng pamahalaan at ng bansa.