Nagpapatuloy ang pagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kinakailangang ayuda sa mga sinalanta ng bagyong ‘Nina’ nitong Pasko.
Sa press briefing sa Malacañang kahapon, tiniyak ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo na ipamamahagi ang lahat ng relief goods na nakahanda nang i-distribute sa iba’t ibang munisipalidad.
Sinabi ni Taguiwalo na batay sa report ng Disaster Response and Management Bureau ng kagawaran, dakong 2:00 ng umaga kahapon ay may kabuuang 813 barangay, 206,812 pamilya o 923,485 katao ang sinalanta ng bagyo.
Pinakamatinding sinalanta ang Bicol, na 504 na barangay ang hinagupit ng Nina, ayon sa kalihim.
Sa kasalukuyan, nakapagkaloob na ang DSWD ng P51.7 milyon halaga ng relief assistance sa mga apektadong pamilya.
(Roy C. Mabasa at Ellalyn B. De Vera)