CAGAYAN DE ORO CITY – Dinakip ng grupo mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Highway Patrol Group (HPG) at Impasugong Police sa Bukidnon ang apat na katao dahil sa iba’t ibang paglabag, kabilang na rito ang pag-iingat ng mahigit dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20 milyon, sa Barangay Impalutao sa Impasugong, Bukidnon.

Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na sina Nahar Apam, 19; Sohud Salik, 26; Tho Tha, 26; at Johari Akmad, 27, pawang taga-Maguindanao.

Ayon sa pulisya, lulan ang mga suspek sa isang Toyota Altis na pinaniniwalaang ninakaw sa Metro Manila. Natunton ang sasakyan sa pamamagitan ng global positioning system (GPS) na nakakabit dito, habang bumibiyahe sa Bukidnon highway nitong Martes.

Naharang ang sasakyan at ang mga suspek sa checkpoint sa Bgy. Impalutao hanggang sa madiskubre sa loob ng sasakyan ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20 milyon, ilang baril at mga electronic gadget. (Camcer Ordoñez Imam)

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!