Nasawi ang isang matandang babae at kanyang apo makaraan silang makulong sa loob ng kanilang tahanan na natupok sa 20-minutong sunog sa Barangay Caniogan, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Nakaligtas pa sana sa sunog si Kristine Joy Caturan, 12, dahil nakalabas na siya ng bahay ngunit bumalik siya sa nasusunog na second floor upang iligtas ang kanyang lola na si Miraflor Aturan, 75, ngunit kapwa hindi na sila nakalabas.
Ayon kay Fire Senior Insp. Anthony Arroyo, dakong 10:57 ng gabi nitong Miyerkules nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng maglola sa 18-A Kasikatan Street, Bgy. Caniogan.
Tinangka pa umanong iligtas ang mga biktima sa pamamagitan ng pag-akyat sa bubong ngunit hindi na rin nasagip ang mga ito.
Kaagad namang naapula ang sunog makalipas ang 20 minuto kaya wala nang iba pang bahay na nadamay.
Sinabi naman ni Arroyo na posibleng napabayaang kandila ang pinagmulan ng apoy dahil limang taon na umanong walang kuryente sa nasabing bahay.
Sa taya ng mga imbestigador, umabot sa P600,000 ang halaga ng napinsala sa sunog. (Mary Ann Santiago)