KINILALA ang kahusayan ng Pinoy boxer, gayundin ang lideratura ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) nang parangalan ng Asian Boxing Confederation (ABC) bilang pinakamahuhusay na boksingero at lider sina Criztian Pitt Laurente, Patricio Gaspi at Mrs. Karina Picson.
Ang Best of the Asians 2016 ay isang proyekto ng internasyonal na asosasyon kung saan 14 ang kinilala sa kanilang mga naiambag sa sports.
Isinagawa ang botohan sa pamamagitan ng social media kung saan tumanggap ang ABC ng mahigit na 1,300 boto sa isinagawang proseso na nagpakita sa malaking pagpapahalaga sa sport.
Si Laurente ay kinilala bilang Best Asian Men’s Junior Boxers in 2016 sa 54kg. habang si Gaspi ay ibinoto bilang Best Asian Coach in 2016. Ang maybahay ni ABAP Executive Director Ed Picson na si Mrs. Karina Picson ang napili bilang Best Asian Supervisor in 2016.
Si Laurente ay napabilang sa national squad noong 2015 at nagpamalas ng matinding kalidad sa paglahok nito sa ASBC Asian Confederation Junior Boxing Championships at AIBA Junior World Boxing Championships. Nagwagi siya ng gintong medalya sa Children of Asia Games sa Yakutsk, Russia.
Nagwagi sa botohan si Laurente (82%) kontra kay Damir Toybay ng Kazakhstan (6.4%) at Timur Merzhanov ng Uzbekistan (3.9%). (Angie Oredo)