Ilang araw bago magpalit ang taon, isang lalaki mula sa Nueva Vizcaya ang naging unang biktima ng ligaw na bala sa bansa, ayon sa Department of Health (DoH).
Ayon sa Aksyon: Paputok Injury Reduction 2016 Report No. 8, may naitala nang nasugatan sa ligaw na bala sa bansa, makaraang tamaan sa ulo ang isang 27-anyos na lalaki sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
“There was one reported case of stray bullet injury — a 27-year-old male from Bagabag, Nueva Ecija. He sustained a gunshot wound to the head inside their house last December 25,” saad sa report.
Sa kasalukuyan, naka-confine pa rin ang biktima sa Veterans Regional Hospital sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
105 NA ANG NAPUTUKAN
Samantala, sa datos kahapon ng DoH-Epidemiology Bureau (DOH-EB) ay umabot na sa 105 ang naitalang firecracker-related injuries.
Gayunman, ang nasabing bilang ay mas mababa ng 42 porsiyento o nabawasan ng 77 kaso kumpara sa limang-taong (2011 to 2015) average; at 36% o nabawasan ng 60 kaso sa naitala sa kaparehong panahon noong 2015.
“Eighty-four cases had blast injury without amputation.... Sixty-six injuries involved the hand,” ayon sa report, idinagdag na 21 katao pa ang nasugatan sa mata dahil sa paputok.
Ang pinakabatang biktima ay tatlong taong gulang, ayon sa DoH. (CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE)