GUMAGAMIT pala ng fentanyl si Pangulong Digong. Ito ay malakas na painkiller na ibinibigay sa mga may cancer na nakakaramdam ng maitiding kirot. Bagamat gumagamit ng ganitong uri ng gamot ang Pangulo, ipinagkaila naman niya na siya ay may cancer.

Ang problema, ang fentanyl, tulad ng ibang gamot sa kirot ay nakakaadik. Kung hindi ito nakakaadik, ang mga nakakaramdam ng kirot, lalo na kung matindi, ay dito na tuluyang dumedepende. Ito na ang nagiging takbuhan nila sa tuwing susumpungin ang kanilang sakit upang mapawi ang kirot na dulot nito.

Ayon kay Sen. Leila De Lima, naaapektuhan na ang pag-iisip ng Pangulo at ang lahat ng sinasabi nito ay epekto na umano ng gamot na ito.

Ang Pangulo ang paulit-ulit na nagsasabi na inutil na ang taong adik sa droga. Kasi, aniya, dahil sa gamot, kumikitid na ang pag-iisip nito. Iisang direksiyon na lang ang nalalaman. Kaya, napakadali para rito ang gumawa ng krimen.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Mahirap nang ma-rehabilitate.

“Dapat maintindihan na natin ngayon,” wika ng Senadora, “na wala na sa normal na pag-iisip ang Pangulo.”

Paano pa, aniya, maipaliliwanag ang mabigat at hindi kanais-nais na mga salitang binitawan ng Pangulo laban sa mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at sa United Nations (UN) human rights commissioner na mga propesyunal na tao sa kani-kanilang larangan?

Kamakailan kasi, tinawag ng Pangulo na “idiot” si UN human rights chief Zeid Ra’ad al-Hussein. Ikinagalit niya ang gusto nitong mangyari na imbestigahan siya ng mga awtoridad sa Pilipinas sa pag-amin niya na pumatay siya ng mga pinagsususpetsahang kriminal noong alkalde pa siya ng Davao. Sinabi niya sa mga business leaders kung paano siya nagpapatrulya sa mga kalye ng Davao sakay sa kanyang motorsiklo at naghahanap ng makakalaban para pumatay.

Sa araw ding iyon, galit na inakusahan ng Presidente ang mga opisyal ng BSP at miyembro ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng corruption at inefficiency. Hanggang ngayon ay hindi pa raw siya binibigyan ng hinihingi niyang “assessment report” na may kaugnayan sa bank account ng Senadora na pinagbibintangan niyang tumanggap ng drug money.

Ilang araw lang ang nakararaan, sa press conference ng Communist Party of the Philippines (CPP), nagpakita ng pagkadismaya ang spokesman nito dahil hindi raw tinupad ng Pangulo ang pangakong pakakawalan ang lahat ng political prisoners paunti-unti, ayon kay Pangulong Digong, ang ginawa niya.

“Mahirap siyang kausap, pabago-bago ang kanyang sinasabi,” anang tagapagsalita. Hindi lang naman sa usapang ito ng CPP ganito ang Pangulo. Mula’t sapul, sa napakahahalagang isyu ay ganito na ang Pangulo. Kaya, kapag inalmahan na siya, mga miyembro na ng kanyang Gabinete ang nagpapaliwanag sa maliwanag naman niyang sinabi.

Sana, mali ang Senadora sa kanyang pagtaya na fentanyl na umano ang nagpapatakbo sa isip ng Pangulo ngayon.

(Ric Valmonte)