Pansamantalang isasara sa trapiko ngayong umaga ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila bilang pagbibigay-daan sa paggunita sa ika-120 anibersaryo ng pagkamatay ni Dr. Jose P. Rizal.

Sa inilabas na abiso ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), partikular na isasara sa trapiko ang north at southbound lane ng Roxas Boulevard, mula sa Katigbak Drive hanggang T. M. Kalaw Street.

Hindi muna maaaring madaanan ng mga motorista ang nasabing bahagi ng Roxas Boulevard mula 6:30 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga.

May alternatibong ruta naman para sa mga maaapektuhang motorista.

'I did nothing wrong!' Vitaliano Aguirre, tinalakan ICC

Ang mga sasakyan na pa-northbound lane ng Roxas Boulevard ay pinapayuhang kumanan sa T. M. Kalaw Street, kaliwa sa Ma. Orosa Street patungo sa destinasyon, habang ang mga gagamit ng southbound lane na manggagaling sa Delpan Bridge-Pier Zone ay kinakailangang lumiko sa Padre Burgos Street at kanan sa Ma. Orosa Street.

Ang mga magmumula naman sa mga tulay ng McArthur, Jones at Quezon ay pinapayuhang dumaan sa Taft Avenue.

(Mary Ann Santiago)