Patuloy na lalago ang populasyon ng Pilipinas sa 2017 at tinatayang aabot sa 105,758,850 pagsapit ng Disyembre 31, 2017, batay sa mga pagtaya ng Commission on Population (POPCOM) gamit ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Isinama sa projection ang 27,293,422 women of reproductive age o kababaihan na nasa reproductive age (may edad 15-49). Ang mga babaeng ito ay karaniwang benepisyaryo ng mga serbisyo sa Reproductive Health sa ilalim ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Law.
Dadami rin ang adolescent girls o mga dalagitang nasa 10-19 anyos ng 10,080,824 sa susunod na taon. Batay sa pinakahuling datos mula sa PSA (2014), inaasahang mahigit 200,000 dalagita ang manganganak sa 2017.
Pinakamataas pa rin sa talaan ang bilang ng kababaihang nasa reproductive age at dalagita. Inaasahang magpapatuloy ang trend na ito hanggang sa 2022 kung kailan ang bilang ng kababaihan na nasa reproductive age ay inaasahang aabot sa 29.1 milyon at ang mga dalagita ay papalo sa 11.3 milyon.
“The continuing increase in population is due to relatively high fertility rates of Filipino women which is 3 children on average,” sabi ni Executive Director Juan A. Perez III ng POPCOM
Kung pagbabatayan ang pagtaya ng PSA na 1,691,897 ang isisilang sa 2017, bababa sa 3.22 ang bilang ng mga Pilipino na isinisilang sa bawat minuto susunod na taon mula sa 3.33 isinisilang kada minuto noong 2014. (PNA)