MALAKAS ang laban ni Eugene Domingo para sa Best Actress award ng 2016 MMFF. Si Nora Aunor ang sinasabing mahigpit na makalaban niya sa nasabing kategorya. .
Pero sa mga tinanong naming kaibigan na nakapanood na ng Kabisera ni Ate Guy at ng Ang Babae sa Septic Tank ni Uge ay mas nakakaangat daw ang acting ng huli.
Pero kung sakali mang si Eugene ang tanghaling Best Actress, hindi niya personal na matatanggap ang tropeo. Lumipad na kasi siya papuntang Europe para makasama ang kanyang ipinagmamalaking boyfriend na si Danilo B.
Mananatili sa Italya si Uge hanggang sa pagpasok ng Bagong Taon.
Mas pinili ni Eugene na makasama ang pamilya ng kanyang Italian boyfriend sa Kapaskuhan kaysa mga mahal niya rito sa Pilipinas.
May ipi-post siyang video sa Instagram na kasama niya ang kanyang boyfriend sa dining area sa bahay nito. So, wala na sigurong nagdududa na drowing lang ang boyfriend niya, ‘no?
Umaalingangaw na “love” ang tawag ni Uge kay Danilo sa harap ng pamilya at mga kaibigan.
Base sa video, tanggap na tanggap ng pamilya ni Danilo si Uge. Mukhang si Danilo na yata ang sagot sa mga dasal ng aktres, huh!
Nagawa ring pasalamatan ni Uge sa video ang mga nanood ng kanyang pelikula na kasalukuyang nakikipaglaban sa paramihan ng kita sa box office. Pati si Danilo ay bumanat ng Italian lines na parang nag-iimbita na panoorin ang Septic Tank 2. Wagi si Uge! (JIMI ESCALA)