SASABAK ang mga miyembro ng national elite at cadette taekwondo jins sa dalawang high-level competition sa susunod na taon bilang bahagi ng qualifying at selection process ng Philippine Taekwondo Association (PTA) para sa bubuuing koponan sa 29th Malaysia Southeast Asian Games.
Sinabi ni Taekwondo head coach Igor Mella na nakahanda na ang buong programa ng asosasyon para sa national team na hindi lamang nakatuon sa 2018 Asian Games kundi pati na rin sa qualifying para sa kada apat na taon na 2020 Tokyo Games.
Mahigit sa 30 elite jins ang napili ng asosasyon sapul pa noong Nobyembre para sa pambansang koponan habang may 70 iba pa na kabilang sa national training pool. Ang nasabing mga atleta ay inaasahang isasabak sa iba’t-ibang torneo bilang paghahanda sa paglahok sa SEA Games na gaganapin sa Agosto 19-31.
“Magkakaroon kami ng evaluation sa performance every two months para masiguro nating hindi nagpapabaya sa ensayo ang mga atleta. Bukod dito kailangan nilang makapaghanda para sa Asian Juniors at Cadet tourney,” sambit ni Mella.
Gayunman, ang pinakaimportanteng torneo na kanilang sasalihan ay ang World Championships sa Hunyo at ang Korea Open sa Hulyo kung saan kalahok ang pinakamahuhusay na taekwondo jin sa mundo.
Ipinaliwanag ni Igor na mula sa resulta ng dalawang malaking torneo, ihahanda rin ang line-up para sa Kuala Lumpur SEA Games.
Ipinaliwanag ni Mella na lubhang malaking hamon ang gaganapin na SEA Games dahil sa nilimitahan mismo ng organizing committee ang mga lahok sa bawat bansa.
Tatlo mula sa dating lima lamang ang makakasali sa events sa male sparring habang tatlo na lamang sa dating anim ang kasali sa women’s division at tatlo rin mula sa anim na events sa Poomsae.
Huling tumapos ang Pilipinas sa pangkalahatang ikalawang puwesto noong 2015 Singapore SEA Games sa naiuwi na tatlong ginto, tatlong pilak at tatlong tansa.
Inaasahang pamumunuan muli ni Kirstie Elaine Alora na nagawang makapagkuwalipika sa nakaraang Rio Olympics at tumapos na ikalawo sa overall mula sa 16 na kasali ang koponon at si Pauline Lopez na binitbit ang nagsilbing host na Pilipinas sa iniuwing 1-1-1 medalya sa ginanap na Asian Taekwondo Championships sa Marriot Hotel.
Nagawa ring makapag-uwi ng taekwondo ng ginto sa World Poomsae at tanso sa World Juniors Sparring Championships.
(Angie Oredo)