051216_leni-press-con_10_balmores-copy

Hindi na gaanong nasisiyahan ang mga Pilipino sa work performance ng apat na matataas na opisyal ng pamahalaan, batay sa resulta ng fourth quarter survey ng Social Weather Stations (SWS).

Isinagawa ang survey noong Disyembre 3 hanggang 6 sa 1,500 respondent. Lumabas dito na na 58 porsiyento ng mga Pilipino ay satisfied o masaya sa performance ni Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo sa nakalipas na tatlong buwan, habang 21% ang nagsabing sila ay dissatisfied o hindi kuntento.

Samantala, 20% ng mga tinanong ang hindi makapagpasya sa usapin.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Inilagay nito ang net public satisfaction rating ng Vice President sa “good” +37 (bahagdan ng satisfied minus bahagdan ng dissatisfied).

Sinabi ng SWS na lumagapak ang bagong net rating ng VP ng 12 puntos mula sa +49 (65% satisfied, 16% dissatisfied) na naitala noong Setyembre, ngunit “good” rating pa rin naman ito.

Sa public satisfaction kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, 49% ng mga Pinoy ang nagpahayag ng kasiyahan, habang 18% ang hindi kuntento sa kanyang mga gawa, inilagay sa “good” +30 ang kanyang net rating.

Nananatili ring “good” ang net rating ni Pimentel kahit na bumaba ito ng pitong puntos mula sa net rating niya na +37 (54% satisfied, 17% dissatisfied) noong Setyembre.

Samantala, 33% ng mga Pilipino ang masaya sa performance ni Speaker Pantaleon Alvarez sa nakalipas na tatlong buwan, at 23% ang nagsabing diskuntento sila.

Inilagay nito sa “moderate” +10 ang kanyan net rating, bumaba mula sa +22 (41% satisfied, 19% dissatisfied) noong Setyembre. Nananatiling “moderate” ang rating ni Alvarez.

Nanatili naman sa “moderate” ang net rating ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kahit na bumaba ito sa +16 mula sa +26 na nakuha niya noong Setyembre.

Naunang inihayag ng SWS na si Pangulong Rodrigo Duterte ay nakatanggap ng “very good” +63 (77% satisfied, 13% dissatisfied) net public satisfaction rating, na isang puntos na mas mababa kaysa +64 noong Setyembre.

Sa kabila naman ng pagbaba sa kanyang public satisfaction rating, ikinatuwa pa rin ni VP Robredo ang resulta ng survey at pinasalamatan ang mga kababayan.

“We thank the Filipino people for the continued trust and support,” aniya.

Tiniyak ni Robredo, dating chair ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), na “we are listening to your voice so we can serve you better.”

Sinabi ng VP na ipagpapatuloy niya ang kanyang misyon na iangat ang kabuhayan ng mahihirap sa pamamagitan ng kanyang anti-poverty program na Angat Buhay. (ELLALYN B. DE VERA at RAYMUND F. ANTONIO)