SINALUBONG ng protesta ng mga nangangamba sa patuloy na paglalaho ng mga makasaysayang pook sa Maynila ang iniulat na planong pagtatayo ng commercial district na may malls at condominium sa kinatitirikan ngayon ng Rizal Memorial Stadium sa pangambang tuluyan nang nawalan ng malasakit sa mahahalagang lugar ang kasalukuyan at dating namamahala sa siyudad at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Nanawagan si Rep. Cristal Bagatsing ng ikalimang distrito ng siyudad sa House Committee on Basic Education and Culture na alamin ang ulat at ipinaalala sa mga kinauukulang opisyal ang Section II ng RA 10066, ang National Cultural Heritage Act of 2009, na nagsasaad na, “no cultural property sale may be sold, resold, or taken out of the country without first serving a clearance from the cultural agency concerned.”
Ang Rizal Memorial Stadium – na Rizal Memorial Track and Football Stadium ang opisyal na pangalan – ay itinayo noong 1930s para sa mga paligsahan sa football at ilang pang-internasyonal na palaro. Isinagawa ang First Oriental Olympic Games noong 1913 sa naturang lugar na kalaunan ay naging Rizal Memorial Sports Complex. Ang stadium ay itinayo noong 1930s at pinagdausan ng 1934 Far Eastern Games. Noong 1954, ang Rizal Memorial ay naging principal stadium ng Asian Games. May isa pang idinaos sa naturang lugar na walang kinalaman sa palaro: ang dalawang sold-out concerts ng The Beatles noong 1966, na pinanood ng 50,000, ang pangalawa sa pinakamalaking concert ng Beatles sa kasaysayan.
Ibinalik ng pagkabahala sa posibleng paggiba sa Rizal Memorial Stadium ang mga lumang gusali na naglaho na ngayon sa ngalan ng modernisasyon – ang lumang fronton na pinaglaruan ng mga pelotari mula sa Basque para sa jai-alai sa Taft Ave. at ang mga pader ng Army-Navy Club sa Luneta. Binalak din noong 1997 na ibenta sa mga dayuhan ang Manila Hotel, na naging tirahan ni Gen. Douglas MacArthur sa loob ng maraming taon. Sa kabutihang-palad, pinigil ng Korte Suprema pagbebenta sa makasaysayang hotel.
Hindi lamang kinakailangang bantayan ang paglalaho ng mga makasaysayang pook na ito kundi kailangan din itong alagaan upang maiwasan ang pagguho. Marahil ang nag-iisang pinakamakasaysayang lugar sa Metro Manila ngayon ay ang Intramuros, ang Walled City na itinayo ng mga Kastila sa kabilang pampang ng Ilog Pasig katapat ng katutubong pamayanan sa Tondo. Nasa Intramuros ang Fort Santiago na pinagkulungan kay Rizal at dito niya sinulat ang “Mi Ultimo Adios” bago siya naglakad papunta sa pinagbarilan sa kanya sa Bagumbayan sa Luneta noong 1896.
Ang Department of Tourism ay nasa kalagitnaan ngayon ng proyekto na lalong magpapabantog sa Intramuros kasama ang Manila Cathedral na unang itinayo noong ika-16 na siglo, at ang San Agustin Church na 400 taon na ngayon, at ang museo nito. Ang Fort Santiago ay naging kuwartel ng mga sundalong Kastila nang dumating sa Maynila si Miguel Lopez de Legazpi noong 1571; ang kampo ay ipinangalan sa satong patron ng Espanya na si St. James o Santiago Matamoros.
Kailangang gisingin ng kasalukuyang sigalot sa mga balakin sa Rizal Memorial Stadium ang ating interes at malasakit sa ilan pang natitirang makasaysayang mga lugarv sa Metro Manila. Bantayan at pangalagaan natin ang mga ito hindi lamang para sa turismo kundi sa mas mahalagang pakay, bilang tagapagpaalala sa ating mga mamamayan na mayroon tayong nakulay at mayamang kasaysayan bilang isang bansa.