Napabilang sa Top Photos of 2016 ng Time Magazine ang drug war ng Pilipinas, na masasabing pinakakontrobersiyal na usapin sa bansa ngayong taon, at umani ng batikos maging sa iba’t ibang dako ng mundo.
May headline na “Night falls on the Philippines”, tampok sa litrato na kuha ng New York Times photographer na si Daniel Berehulak ang nakabulagtang bangkay ni Restituto Castro, 46, na nakabalot ng packaging tape ang mukha, katabi ang anim na taong gulang na anak nitong babae, na bakas sa mukha ang pagdadalamhati sa sinapit ng ama. Napaulat na binaril sa ulo si Castro ng umano’y vigilante.
Nagpunta si Berehulak sa Pilipinas upang personal na masaksihan ang giyera ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra droga.
“It’s absolutely crippling to see that image and to see that little girl experiencing so much pain and loss; to know that her father was never given a trial, never had the opportunity to defend himself in front of a court,” saad ni Berehulak.
Ang iba pang larawang pasok sa Top 10 ng Time ay ang pag-aresto kay Iesha Evan habang nagpoprotesta kontra sa pamamaril kay Alton Sterling ng Baton Rouge Police, ang kudeta sa Turkey, ang mga mamamayang naapektuhan sa pambobomba sa Syria, ang pagdating ng Air Force One sa Cuba, ang pagre-rescue sa Mediterranean Sea sa Libya, ang refugees sa Greece, ang pagtatalumpati ni US President Donald Trump habang nakaupo, ang “world’s fastest man” na si Usain Bolt sa Olympics, at ang snowstorm sa US East Coast mula sa International Space Station. (Dianara T. Alegre)