BERLIN (AP, AFP) — Daan-daang peace activists ang nagmamartsa patungo sa Syria upang ipanawagan na itigil na ang digmaan.
Sa gitna ng maulap at malamig na panahon, umalis nitong Lunes mula sa dating Tempelhof Airport ng Berlin ang tinatayang 400 peace activists para simulan ang binansagang “Civil March for Aleppo”, bitbit ang mga puting bandila.
Inorganisa ng Polish journalist at blogger na si Anna Alboth, layunin ng ''Civil March for Aleppo'' na palakasin ang political pressure upang tulungan ang mga sibilyang naiipit sa digmaan sa Syria.
''The true purpose of the march is that the civilians in Syria get access to humanitarian aid,'' aniya. ''We are marching to build pressure.''
Sinabi ng organizers na inasahan nilang makapaglakad ng 20 kilometro kada araw at aabutin ng 3 ½ buwan para tawirin ang Germany, Czech Republic, Austria, Slovenia, Croatia, Serbia, Macedonia, Greece at Turkey.
Ito ang ruta patungong Europe na tinahak noong nakaraang taon ng mahigit isang milyong kataong tumatakas sa digmaan sa Syria at iba pang lugar sa Middle East, at karamihan sa kanila ay napunta sa Germany.
Maglalakad ang ilan hanggang sa makakaya nila, habang ang iba ay inimbitahang sumali sa mga daraanang ruta. Pinayuhan ang mga magmamartsa na magdala ng kanilang sariling gamit pantulog at pagkain.
Umaasa ang mga kalahok na makarating man lamang sa hangganan ng Turkey sa Syria at kung posible ay hanggang sa lungsod ng Aleppo, kung saan pinakamatindi ang labanan at laganap ang pighati.
"It's time to act," sulat ng grupo sa manifesto sa website nito. "We've had enough of clicking the sad or shocked faces on Facebook and writing, 'This is terrible.'"
“Other people in the world need to know that the situation in Syria is terrible," sabi ni Jaber Zaher Alger, 28-anyos mula Syria na naninirahan sa Germany.