TIIIIKTILAOOOK!!!

Sa pagpasok ng Taong 2017, patok na naman ang mga tandang dahil ito ay “Year of the Rooster,” ayon sa Chinese calendar.

Bagamat hindi lahat ng Pinoy ay may impluwensiyang Chinese, marami rin ang nakikibagay sa paniniwala at tradisyon ng mga Tsino dahil umano’y nagdadala ito ng suwerte.

Subalit alam nating lahat na ang suwerte ay dapat na may kaakibat na pagpupursige at kasipagan.

Hanash ni Roque: 'May karapatan akong tawaging bangag si Marcos Jr!'

Dapat ay gumagawa ng paraan ang isang indibiduwal upang mapabuti ang kanyang buhay bago umasa nang todo sa suwerte.

Mahalaga rin na tayo’y magdasal sa Panginoon upang magpasalamat sa mga biyayang ating natatanggap—simple man o enggrande.

Maraming pagsubok ang kinahaharap ng mga Pinoy sa 2017. Alam natin na hindi natin magagawang resolbahin ang lahat ng ito subalit batid din natin na kaya natin, kahit bahagya, na mabawasan ang ganitong mga problema.

Sa usapin ng traffic na paborito ni Boy Commute, naisip-isip niyang mahalaga ang disiplina sa bawat isa upang maibsan ang suliranin na ito na araw-araw nang bumabagabag, hindi lamang sa mga residente ng Metro Manila, kundi maging sa iba pang siyudad sa bansa.

Naisip din ni Boy Commute na sa kanya rin dapat magsimula ang disiplina.

Ito ang ilan sa mga New Year’s Resolution ni Boy Commute para sa 2017.

1) Hindi na siya bababa at sasakay sa hindi “loading and unloading zone.”

2) Sa pedestrian lane lang siya tatawid.

3) Hindi na niya sisitsitan ang bus o jeepney driver upang makuha lang ang kanilang atensiyon. Ang ganitong asal ay nararapat lang sa mga aso.

4) Hindi na siya magtatapon ng upos ng sigarilyo, balat ng candy o biskuwit sa loob ng pampublikong sasakyan.

5) Hindi na rin siya uupo nang pabalagbag sa loob ng isang pampublikong sasakyan na para bang nabili na niya ang buong bangko.

6) Titiyakin niya na mayroon siyang dalang barya tuwing umaga para sa pasahe upang hindi makaabala sa ibang pasahero.

7) Magsisimula na rin siyang pumila sa pagsakay sa mga public utility vehicle.

8) Sisimulan na rin niyang gumamit ng mga salitang “po” at “opo” sa pakikipag-usap sa mga driver bilang paggalang sa kapwa tao.

9) Aakayin na rin niya ang mga nakatatandang tumatawid sa kalsada.

10) Ipagkakaloob na rin niya ang kanyang upuan sa sasakyan sa mga nakatatanda, buntis at may kapansanan.

Nawa’y bigyan si Boy Commute ng Panginoon ng mahabang pasensiya at lakas upang maisakatuparan niya ang lahat ng ito.

Manigong Bagong Taon sa inyong lahat! (ARIS R. ILAGAN)