MASALIMUOT sa kabuuan ang kaganapan sa mundo ng Philippine Basketball Association sa taong 2016 kung saan tinakbo ng liga ang ika-41 taon mula nang mailunsad noong 1975.

Sa pagbabalik tanaw sa pinagsama- samang kasiyahan, kalungkutan, tagumpay, kabiguan at mga ‘di inaasahang pangyayari, nangunguna sa talaan ang makasaysayang pagbangon ng San Miguel Beer mula sa 0-3 na pagkakabaon sa best-of-seven Final series kontra Alaska upang maangkin ang Philippine Cup crown.

Ang Beermen pa lamang ang koponan sa kasaysayan ng Philippine basketball o posibleng sa buong mundo na nakagawa ng nasabing tagumpay.

Sa pagbabalik ni Junemar Fajardo matapos hindi makalaro sa unang tatlong laro ng serye dahil sa injury, nakuhang makabawi ng Beermen via overtime sa Game 4 hanggang sa tuluyang mawalis ang huling tatlong laro para sa kampeonato.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Hindi naman papahuli ang pagtatapos sa walong taong kabiguan ng crowd-favorite Barangay Ginebra Kings nang angkinin nila ang third conference crown.

Pinasiklab ni import Justin Brownlee ang pagbubunyi ng Barangay sa mistulang ‘miracle shot’ sa Game Six ng serye laban sa Meralco Bolts.

Nagsilbing “ blessing in disguise” para sa Kings ang pagdating ni Brownlee bilang pamalit sa na injured nilang import na si Paul Harris dahil pinangunahan nito ang Kings sa paggapi sa defendmg champion Beermen sa semis bago tinalo ang Bolts sa finals.

Mistulang piyesta ang kapaligiran sa umaapaw na kasiyahan ng loyal fans ng Kings na huling naging kampeon noong 2008.

Hindi rin matatawaran ang pagwawagi ng Rain or Shine sa Commissioner’s Cup, sa pangangasiwa ni coach Yeng Guiao.

Kahanga-hanga ang nasabing tagumpay ng Elasto Painters dahil hindi maituturing na eksplosibo ang import na si Pierre Henderson-Niles .

Dahil sa kakulangan sa opensa ni Henderson-Niles, pinagana ng husto ni Guiao ang mga locals para magpuno sa pagkukulang ng kanilang import at nagresulta ng positibo lab an sa Barangay Ginebra sa playoffs at sa Beermen sa semis bago pataubin ang Alaska sa finals.

Kabilang din sa mga pinag- usapan ang patuloy na dominasyon ng Cebuano slotman na si Junemar Fajardo na pinatunayan sa pagwawagi sa ikatlong sunod na MVP award.

Ang muling pagwawagi ng MVP trophy ay naglagay kay Fajardo sa kasaysayan ng liga bilang unang manlalaro na nanalo ng pinakamataas na individual honor sa tatlong sunod na season.

Isang MVP award na lamang at mapapantayan ng 27- anyos na si Fajardo ang record bilang may pinakamaraming MVP awards na hawak kapwa nina Mon Fernandez at Alvin Patrimonio.

Bukod sa panalo ni Fajardo, pinag- usapan din ang ganap na pagreretiro ni dating PBA MVP at Gilas Pilipinas captain na si Jimmy Alapag.

Nagbalik mula sa nauna niyang pagreretiro noong Agosto 2015 sa koponan ng Talk N Text, bumalik si Alapag upang tulungan ang Meralco na makatuntong sa Finals sa unang pagkakataon.

Pormal siyang nagretiro sa Bolts noong Nobyembre 5 bitbit ang bagong karangalan bilang all-time leader sa 3-point shots made sa kabuuan niyang naitalang 1,250

At bago magsara ang 41st season ng liga naging malaking balita ang paglipat ni coach Yeng Guiao sa NLEX, gayundin ang blockbuster trade sa pagitan nina Star Hotshot James Yap at Rain or Shine star Paul Lee. (Marivic Awitan)