Tinatayang 1,000 pamilya ang nawalan ng tirahan habang isang matanda ang nasawi at tatlong katao ang nasugatan, kabilang ang bumbero, sa sunog sa Quezon City, iniulat kahapon.

Sa report ni QC Fire Marshall Sr. Supt. Manuel M. Manuel, kinilala ang nasawing biktima na si Corazon Teozon, alyas “Goring”, 74, tubong Leyte, ng NIA Road, Barangay Pinyahan, QC.

Bangkay na nang matagpuan si Goring sa loob ng nasusunog nilang bahay sa nasabing lugar.

Sugatan naman ang isa sa mga bombero na si FO1 Benjar Agatep, gayundin ang mga residente sa nasabing barangay na sina Cherry Velasco, 29; at Albert Holumberyo, 28.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa imbestigasyon ni Senior Insp. Joseph C. Del Mundo, dakong 8:30 ng gabi kamakalawa nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Romano Jinayo, 33.

Ayon sa arson probers, dahil gawa sa kahoy ang mga bahay sa pinangyarihan, mabilis na kumalat ang apoy at tinupok ang 500 bahay na ikinasawi ni Goring nang hindi makalabas sa kanyang bahay at ikinasugat naman nina Velasco, Holumberyo, at FO1 Agatep.

Umabot sa task force delta ang sunog at tuluyang naapula, sa tulong ng 74 na fire truck, dakong 4:00 ng madaling araw kahapon.

Tinatayang aabot sa P3 milyon halaga ng ari-arian ang natupok.

Ayon naman sa tanggapan ni QC Vice Mayor Joy Belmonte, pansamantalang mananatili sa evacuation center ang mga nasunugan at kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development.