SAN JOSE CITY, Nueva Ecija - Bumagsak sa kamay ng tracker team ng pulisya ang isang kawani ng munisipyo ng Binalonan, Pangasinan at pamangkin nito na sinasabing tumangay sa isang kotse sa lungsod na ito, tatlong buwan na ang nakalilipas.
Sa ulat ni Supt. Reynaldo SG Dela Cruz, hepe ng San Jose City Police, kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio C. Yarra, nakilala ang mga suspek na sina Petrocino Turalba, 40, empleyado sa munisipyo ng Binalonan; at Christian Turalba, 21, ng Bgy. Sumabnit, Binalonan.
Ayon sa record ng pulisya, tinangay ng mga suspek ang dilaw na Hyundai Matis (WLG-560) at isang walang lisensiyang .45 caliber pistol na may limang bala.
Sa pagsisiyasat ni SPO1 Joel Beltejar, Setyembre 30, 2016 nang tinangay umano ng mga suspek ang nasabing kotse ni Noel Tallara, na sinasabing naispatan ng isang informant sa Bgy. Rafael Rueda sa lungsod na ito at kaagad na naitimbre sa pulisya.
Naharang ang sasakyan sa Bonifacio Street at naaresto ang mga suspek, na kinasuhan na ng carnapping at illegal possession of firearms. (Light A. Nolasco)