Dalawa umanong drug pusher ang napatay matapos makipagbarilan sa mga awtoridad habang tatlong katao ang inaresto, kabilang ang isang dalagita, sa drug operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot sina Adrian Padores, 27, ng No. 218 2nd Street, BMBA Compound, Barangay 118 4th Avenue ng nasabing lungsod at isang alyas “Darwin”.
Kinilala naman ang mga nadakip na sina John Kenneth Pedores, 33, ng No. 281 M. H. Del Pilar St., 5th Avenue, Bgy. 117; Henry Dupang, 31, ng No. 197 2nd St., Bgy. 118 at ang isang 13-anyos na babae.
Ayon kay Police Supt. Ferdie Del Rosario, tagapagsalita ng Caloocan PNP, bandang 11:00 ng gabi, nagsagawa ng “Oplan Galugad” ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-STOG) sa loob ng BMBA Compound sa Bgy. 118, Caloocan City.
“Marami nang reklamo ang mga residente kasi lantaran daw ang bentahan ng shabu sa lugar,” ani Del Rosrio.
Nang salakayin, nasaksihan umano mismo ng mga pulis ang pagbebenta ng droga ng mga suspek kaya nilapitan nila ang mga ito na mabilis nagtakbuhan.
Nagkahabulan at pinaputukan umano nina Pedores at Darwin ang mga pulis dahilan upang sila’y paputukan na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Sa puntong ito, hindi na nanlaban pa ang kanilang mga kasamahan at kaagad pinosasan.
Narekober kina Padores at Darwin ang isang cal. 38 at 11 plastic sachet ng shabu. (Orly L. Barcala)