Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga volunteer na tumulong sa pagre-repack ng relief goods para sa mga sinalanta ng bagyong ‘Nina’.

Ang mga interesado ay maaaring direktang makipag-ugnayan sa DSWD sa 0977-8109950.

Kasabay nito, naglaan ang Caritas Manila ng P500,000 upang tumulong sa mga binagyo, partikular sa Bicol Region.

Gayunman, sinabi ni Fr. Anton Pascual, executive director ng Caritas Manila, na kailangan pa rin ng maraming donasyon para matulungang makapagsimulang muli ang mga sinalanta ng Nina sa Southern Luzon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Batay sa datos nitong Lunes, mayroong 27,085 pamilya o 116,154 na katao ang naapektuhan ng bagyo sa 395 barangay sa Regions 4A, 4B, Bicol Region, at Eastern Visayas.

Samantala, 22,078 pamilya o 93,271 ang tumutuloy ngayon sa 367 evacuation center, habang 1,206 na katao o 5,243 pamilya ang piniling makitira sa mga kaanak o kaibigan.

Sa kasalukuyan, nasa P7,112,134 halaga ng ayuda ang naipagkaloob na ng DSWD at mga lokal na pamahalaan sa mga apektadong pamilya.

“Caritas Manila appeals for prayers for Divine protection and to help alleviate the sufferings through our donations in cash and in kind for the relief and rehabilitation needs of our kababayans,” ani Pascual.

Aniya, ang mga donasyon ay maaaring online, sa http://ushare.unionbankph.com/caritas/ o sa pagdedeposito sa bangko:

Banco De Oro - Savings Account No: 5600-45905; Bank of the Philippine Islands - SA: 3063-5357-01; Metrobank – SA:

175-3-175069543.

Samantala, nakilala na kahapon ang babaeng tripulante na isa sa mga unang iniulat na nawawala sa paglubog ng MV Starlite Static sa Barangay Maricaban, Tingloy, Batangas nitong Lunes.

Ayon kay Capt. Julius Caesar Victor Marvin Lim, district commander ng Coast Guard District Southern Tagalog, ang nasawi ay si Lyka Banaynal, 21 anyos.

Nagpapatuloy pa ang paghahanap sa 18 pang nawawalang tripulante.

Nagpakalat naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga tauhan nito upang kumpunihin ang walong section ng kalsada na isinara sa trapiko dahil sa pinsalang dulot ng Nina.

Bukod dito, may anim na iba pang road section ang nasira ng bagyo sa tuluy-tuloy na buhos ng ulan at sarado pa rin sa trapiko. (Ellalyn de Vera, Leslie Ann Aquino, Beth Camia at Mina Navarro)