Posibleng masibak sa serbisyo ang isang pulis sa Mindanao na isinasangkot sa isa sa tatlong insidente ng pagkakasugat dahil sa ligaw na bala, batay sa monitoring ng Philippine National Police (PNP).

Mismong si PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang naghayag na sumasailalim na sa summary dismissal proceedings si PO1 Arthur Malayo matapos na maaresto sa Zamboanga del Norte.

Dinakip si Malayo, 32, matapos niya umanong paputukin ang kanyang baril sa Barangay Buenasuerte sa Mutia, Zamboanga del Norte nitong Pasko ng umaga. Masuwerte namang walang tinamaan sa pagpapaputok ng pulis.

Inaresto rin ang isang retiradong pulis, na nakilalang si Wilfredo Duenas, ng Bgy. San Quintin sa Rizal, Kalinga.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Batay sa record ng pulisya, pawang nasugatan sa ligaw na bala sina Alan Gore Cagadas, 48, na tinamaan habang nakikipag-inuman sa Cebu; Philip Estrella Roncales, 56, na nabaril malapit sa kanyang bahay sa Mandaue City; at Alex Cabangal, 50, taga-General Santos City.

Ayon sa mga report na nakuha ng Manila Bulletin, dalawa pang insidente ang napaulat sa Cebu—ang natamaan sa Cebu City ay si Alex Torre, 62, habang sa bintana naman ng bahay ni Apra Sayson, 71, tumama ang isa pang bala.

“It is with mixed feelings of sadness and anger that I announce the first recorded stray-bullet casualties this Yuletide Season, despite our stern warning against indiscriminate firing and celebratory gunfire during the holiday revelry,” sinabi ni Dela Rosa sa press briefing sa Camp Crame.

Bukod sa aktibo at retiradong pulis, naaresto rin sa pagpapaputok ng baril sina Dominador Tugarino, Sr., ng Balungao, Pangasinan; Elmo Refuerzo, 42, ng Vigan City; Mariano Jimenez, 48, ng Bayambang, Pangasinan; at Julius Olimpo, ng Legazpi City.

Kaugnay nito, nagbabala naman si Dela Rosa sa sinumang pulis na maaaktuhang nagpapaputok ng baril, kasunod ng utos niyang huwag nang lagyan ng masking tape ang dulo ng mga baril ng mga pulis simula ngayong taon. (AARON B. RECUENCO)