Nakahanda ang gobyerno ng Pilipinas na tulungan ang isang Pinay na sinasabing kasapi ng teroristang grupong Islamic State at nahatulang makulong sa Kuwait.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Charles Jose, patuloy nilang bineberipika ang ulat nitong Lunes na isang Pilipina ang hinatulan ng 10 taong pagkakakulong ng isang korte sa Kuwait dahil sa pag-anib sa IS at pagpaplano ng mga pag-atake.
“We are verifying the report. But in any case, our embassy is prepared to extend legal and consular assistance to the OFW to make sure that she gets due process and her rights are not violated,” ipinahayag ni Jose.
Batay sa mga ulat, inaresto ng mga awtoridad ng Kuwait ang 32-anyos na babae noong Agosto, dalawang buwan matapos itong dumating sa Gulf state upang magtrabaho bilang domestic helper.
Inamin umano ng babae sa mga opisyal sa Kuwait na miyembro siya ng grupong IS at kasama rin sa planong paghahasik ng terorismo sa nasabing bansa.
Sinabi rin diumano nito sa mga Kuwaiti investigator na pinapunta siya ng kanyang mister (isang aktibong mandirigma ng IS sa Libya) na magtrabaho sa Kuwait bilang kasambahay.
Hindi pa pinal ang hatol at maaari pang iapela ito. (Bella Gamotea at Roy Mabasa)