Walang dudang tutuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nito sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at palalayain ang mga may sakit at matatandang political detainees, sinabi kahapon ni government chief peace negotiator at Labor Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III.

“Nagbigay si President Duterte na palalayain n’ya lahat ng political prisoners at wala akong alinlangan,” ani Bello.

Ito ang kanyang tiniyak sa makasaysayang pagbisita niya sa isa sa mga pamayanang kuta ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Paquibato District, Davao City nitong Lunes para dumalo sa peace forum kasabay ng ika-48 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Ayon kay Bello, inaasikaso na ng GRP panel ang pagpapalaya sa 17 hanggang 20 political detainees bago magtapos ang taon. Humiling siya ng kaunting pasensiya dahil kailangang dumaan ito sa tamang proseso.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Ang pangako ng president na palalayain n’ya lahat pero dadaan sa legal process,” aniya.

“Mahirap ang proseso kung sana lahat convicted by panel judge, the president can just pardon them. Meron iba kasi may pending case against them, so it will be the court who will decide if they will be given temporary liberty,” paliwanag niya.

Magpapatuloy ang ikatlong serye ng formal peace talks ng gobyerno at ng CPP/NPA/NDF sa Rome, Italy sa Enero 18 hanggang 25 upang talakayin ang Comprehensive Agreement on Socio Economic Reforms (CASER), na inilarawang “heart and soul” ng usapang pangkapayapaan. (ANTONIO L. COLINA IV)