KARANIWANG pagbati sa pagtatapos ng taon ang “Happy New Year”, na hango sa ugaling banyaga. Ngunit para sa akin, mas maganda ang “Manigong Bagong Taon”, dahil puno ito ng pag-asa.
Ang ibig sabihin ng “manigo” ay sagana, at ito ang nais kong tamasahin ng lahat ng Pilipino sa taong 2017: maging masagana at maligaya.
Noong nakaraang linggo, tinalakay ko ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon bilang mga oportunidad sa pagbuo ng mga alaala sa pamilya. Binanggit ko rin ang sinimulan kong tradisyon sa aking pamilya na pagsasama-sama sa ibang bansa upang ipagdiwang ang nasabing mga okasyon.
Sinimulan ko rin ang isang tradisyon sa aking kumpanya 25 taon na ang nakalilipas. Taun-taon ay isinasama ko ang ilan sa aking mga ehekutibo sa Estados Unidos upang ipagdiwang ang pagdating ng panibagong taon. Ang tanging kondisyon ay hindi pa sila nakarating sa Estados Unidos sa nakaraan.
Ginawa ko ito sa dalawang dahilan. Una, tinatrato ko ang aking mga empleyado bilang pamilya, at ang aking kumpanya bilang ekstensyon ng aking sariling sambahayan. Naniniwala ako na ang maligaya at kuntentong mga empleyado ay produktibo, kaya binibigyan ko ng oportunidad ang aking mga opisyal na hindi pa nakararating sa Estados Unidos na makarating doon.
Pangalawa, ang pagpunta sa Estados Unidos ay nagbigay sa kanila ng oportunidad upang masaksihan ang iba’t ibang paraan ng pagnenegosyo, at maaaring nagbigay sa kanila ng bagong ideya kung paano mapabubuti ang aming negosyo sa Pilipinas.
Pagkakataon din ito upang maging lalong malapit sa isa’t isa ang aking mga empleyado at ako. Naniniwala ako na ang aking mga empleyado ay matapat, may kakayahan at determinado sa kanilang trabaho. Marami sa kanila ay bumilang na ng maraming taon o dekada sa kumpanya.
Sa paglabas ng pitak na ito ay nasa US na ako kasama ang 40 sa aking mga opisyal. Umaasa ako na ang bawat isa ay magiging masaya sa pagtatapos ng taon at sabik sa pagsalubong sa bagong taon.
Ito rin ang nais ko sa ating bansa, pagkatapos ng isang makabuluhang taon.
Una, sa 2016 ay nagdaos tayo ng payapa, malinis at matagumpay na pambansang halalan, kung kailan nahalal ang unang pangulo mula sa Mindanao, si Rodrigo Duterte.
Agad sinimulan ni Pangulong Duterte ang pagtupad sa kanyang mandato: ang pagbabalik ng kapayapaan upang maiparating ang kaunlaran sa pinakadukhang mamamayan.
Pangalawa, taliwas sa malamyang paggalaw ng ekonomiya sa third quarter tuwing may halalan, sumulong ng 7.1 porsyento ang ating GDP. Ito ay itinuturing na pinakamalakas sa Asya at dinaig ang China at ibang umaangat na bansa.
Nais kong magkamit ng marami pang tagumpay ang ating bansa sa 2017, na pamumunuan ng Pilipinas ang ASEAN. Dito gaganapin ang ASEAN Summit pagkatapos ng matagumpay na paglalakbay ni Pangulong Duterte sa China, Japan, Brunei, Cambodia, at Singapore.
Sa taong 2017 ay inaasahan din natin ang pagtatagumpay ng negosasyon para sa kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines at Moro Islamic Liberation Front.
Bilang isang resolusyon, hangarin natin na maging mas mabuti sa isa’t isa. Maging mas makalinga tayo sa ating mga kababayan. Maaaring hindi tayo nagkakasundo sa ilang isyu ngunit alalahanin natin na pare-pareho tayong tao at Pilipino.
Manigong bagong taon po sa inyong lahat!
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)