IPINAGDIRIWANG ang Kapistahan ng Niños Inocentes tuwing Disyembre 28 ng bawat taon. Ito ang araw na ipinagdiriwang ng Simbahan ang pagiging martir ng mga sanggol na pinatay ni Haring Herod dahil sa takot na ang bagong silang sa Bethlehem ang magiging dahilan para matanggal siya bilang hari. Masasabi na hindi gusto si Herod “the Great”, hari ng Judea, ng kanyang nasasakupan dahil sa pagiging malapit sa mga Romano at sa kanyang kawalan ng relihiyon.
Kaya naman lagi siyang nababahala at natatakot kapag may pinangangambahan siyang aagaw sa kanyang trono. Isa siyang mahusay na pulitiko at maniniil, na may kakayahang gumawa ng matinding kalupitan. Pinatay niya ang sarili niyang asawa, ang kanyang kapatid, at ang dalawang asawa ng kanyang kapatid na babae.
Isinasalaysay ng ebanghelyo ng Mateo (2:1-18) ang kakila-kilabot na pagpatay sa mga sanggol. Labis na nabahala si Haring Herod nang dumating ang mga manghuhuli mula sa silangan at nagtatanong tungkol sa “bagong silang na hari ng mga Hudyo”, na natagpuan ng mga ito sa pagsunod sa maliwanag na bituin bilang gabay. Napag-alaman nila sa Jewish Scriptured na sa Bethlehem isisilang ang Mesiyas. Nilinlang sila ni Herod at sinabihan silang bumalik sa kanya upang ipaalam ang kinaroroonan ng sanggol para siya rin ay “makapagbigay-pugay” dito. Natagpuan nila si Hesus, binigyan ng mga regalo ngunit binalaan sila ng anghel na iwasan si Herod sa kanilang pag-uwi. Nagtungo sina Jose, Maria at Hesus sa Egypt.
Nais ipakita ng liturhiya ngayon na hindi naging masaya ang lahat ng tao sa pagdating ni Hesus. Sa Pasko, pinapaalalahanan tayo na nagdala ang kapanganakan ni Hesus ng pagmamahal at buhay sa mundo. Gayunman, may mga tao pa rin ang piniling manirahan sa kadiliman at ipagsawalang-bahala ang kaliwanagan. Ang mas malala, may mga tao na takot sa kaliwanagan na kaya nilang gawin ang lahat para matalo ang kaliwanagan at manatili sa kanilang maligalig na sitwasyon. Isa rito si Herod. Hindi niya nakita si Hesus bilang banta sa kanyang nasasakupan o si Hesus bilang instrumento para mapalaya ang mga tao sa kadiliman. Para kay Herod, isang malaking balakid si Hesus para makamit niya ang kanyang personal na ambisyon at pangarap.
Patunay ang pagpapakamartir ng mga inosenteng sanggol na ang panawagan ng Kaharian ng Diyos ay nangangailangang ihandog ang ating buhay kay Kristo. Lumikha ang Simbahan ng maraming martir sa nakalipas na mahigit 2,000 taon simula nang maitatag ito, dahil sa mga paghihirap at pag-uusig na naranasan ng mga miyembro nito sa mahabang panahon.
Gayunman, dahil sa malasakit ng Diyos, nanatiling matatag ang Simbahan at patuloy nitong ipinahahayag ang kaliwanagan ni Kristo sa buong mundo. Minsan nang sinabi ni Saint John Paul II na hindi lahat ng tao ay tinawag para isuko ang kanilang buhay para sa kanilang pananampalataya kay Hesus, ngunit lahat ay tinawag para mamuhay nang may pananampalataya kay Hesukristo.
Sa paggunita natin ngayong araw sa kapistahan ng Niños Inocentes, pasalamatan natin ang Diyos sa Kanyang regalong katapangan at pag-aalay ng sarili para sa mga sanggol sa kapakanan ng Kaharian ng Diyos. Sila ang biktima ng kayabangan at pagiging makasarili ni Haring Herod ngunit pinapurihan sila ng mabuting Panginoon at ngayon ay masaya nilang kasama ang mga santo at anghel sa langit.
Nawa’y ang kanilang pagiging martir ay magsilbing inspirasyon sa atin para higit nating mapahalagahan ang ating pananampalataya kay Hesukristo at maging determinadong mamuhay ayon sa mga turo ni Hesukristo na siyang ilaw na magdadala sa ating sa masaganang buhay kasama ang Diyos.