HABANG tumataas ang bilang ng mga napapatay kaugnay ng maigting na pagpuksa sa bawal na droga, kabilang ako sa mga natuwa nang bumababa ang bilang ng mga pagpatay sa kagawad ng media sa iba’t ibang panig ng daigdig, kabilang ang Pilipinas. Tandisang iniulat ng New York-based press freedom watchdog Committee to Protect Journalists (CPJ) na mula Enero 1 hanggang Disyembre 15 ng taong ito, 48 lamang ang napaslang na mamamahayag – higit na mababa kung ihahambing sa 72 napatay noong 2015.

Palibhasa’y sadyang malapit sa aking puso ang mga kapatid natin sa propesyon, hindi natin mapigilan ang paghihimagsik ng kalooban kapag may napapaslang sa kanila; kapag sinasagkaan ang kanilang karapatan sa pagtupad ng kanilang sinumpaang mga tungkulin; kapag nalalagay sa panganib ang kanilang buhay dahil sa pagmamalabis ng ilang lingkod-bayan at ng makapangyarihang sektor ng sambayanan.

Totoong nakalulugod ang pagbaba ng estadistika ng napapaslang na mga journalist. Subalit hindi ito dahilan upang ipagwalang-bahala ng kasalukuyang pangasiwaan ang makabuluhang misyon ng ating mga kapatid sa media. Marapat lamang ituring ng Duterte administration na ang mga mamamahayag ay laging katuwang sa pagbalangkas ng mga patakaran tungo sa mga kaunlarang panlipunan, pangkabuhayan at maging sa pagbubunsod ng makatuturang mga pagbabago.

Mabuti na lamang at sa kabila ng maaanghang na patutsada at mistulang pagmamaliit sa karapatan ng media, makatotohanan ang pagpapahalaga ni Pangulong Duterte sa tinaguriang ‘Fourth Estate’. Walang pag-aatubili niyang nilagdaan ang isang Executive Order na nagpapatupad ng Freedom of Information (FOI) bill. Bagamat ito ay sumasakop lamang sa executive branch o sa Tanggapan ng Pangulo, ito ay sapat na upang magkaroon ng armas ang media sa paglalantad ng mga katotohanan hinggil sa operasyon ng gobyerno; upang maibunyag ang mga alingasngas at iba pang kabulukan sa pamamalakad ng mga tanggapan.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Sa kabila ng pagbaba ng media casualties o pagpaslang, higit na mahigpit ang pangangailangan upang lipulin ng gobyerno ang nakadidismayang culture of impunity. Ang naturang kultura ay kinapapalooban ng hindi paggawad ng parusa sa mga salarin, kabilang na ang pumapatay ng mediamen; nakapagdududang pag-usad ng katarungan tulad ng nakakikilabot na Maguindanao Massacre.

Ang pamahalaan at media ay marapat na laging magkaagapay sa pangangalaga ng press freedom. (Celo Lagmay)