Inihayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na nagawang maisakatuparan ng pulisya ang 70 porsiyento ng target ng kampanya nito laban sa ilegal na droga simula nang ilunsad noong Hulyo.

Mula sa 1.8 milyon na hinihinalang tulak at adik sa droga, sinabi ni Dela Rosa na may kabuuang 1.049 na milyon sa mga ito ang kung hindi sumuko, naaresto o napatay.

“The PNP is on a continuous campaign against criminal gangs and personalities… with more focus on the arrest and account of High Value Target personalities involved in illegal drugs,” ani Dela Rosa.

Batay sa huling datos, 983,232 hinihinalang tulak at adik ang sumuko sa pulisya, habang may 42,543 naaresto mula Hulyo hanggang Disyembre 27 ngayong taon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, 2,157 naman ang napatay sa operasyon ng pulisya.

Hindi pa kasama sa bilang na ito ang nasa 3,000 biktima ng extrajudicial killings, bagamat nilinaw ni Dela Rosa na hindi lahat ng ito ay may kaugnayan sa droga.

Ayon pa kay Dela Rosa, ang 70 porsiyentong tagumpay na ito sa drug war ay nagsimula noong Hulyo, o pasok sa anim na buwang deadline na ipinangako ni Pangulong Duterte sa pagsugpo sa problema ng droga sa bansa.

Matatandaang ilang buwan na ang nakalipas ay humiling si Pangulong Duterte ng anim na buwang extension upang maisakatuparan ang kanyang pangakong susugpuin ang droga sa bansa.

Ngunit para kay Dela Rosa, kung bibigyan ng grado ang PNP ay pasado ito sa 70% tagumpay ng drug war.

“At the PMA (Philippine Military Academy), the passing mark is 70 so we passed the first six months,” paliwanag niya.

“Hirap na hirap nga kami na maka-70 percent dun sa 1.8 million, dun pa sa three to four million. We will stick first to the 1.8 million, let’s focus first on doable target. Letus not aim for undoable target.” (AARON B. RECUENCO)