Apat na umano’y kilabot na tulak ng ilegal na droga ang napatay sa buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD), kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni QCPD Director Police Chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar ang napatay na mga tulak na sina Regidor Gabijan, alyas “Rene”, nasa hustong gulang, ng Bangay–Bangay Street, Dagatdagatan, Caloocan City; Alden Yumango, alyas “Alden”, 27; at Jerome Tan, 28, pawang residente ng Gen. San Miguel St., Bgy. Sangandaan, Caloocan City.

Sa report ni Police Supt. Igmidio Bernaldez, hepe ng Masambong Quezon City Police District-Police Station 2 (QCPD-PS2), dakong 3:00 ng madaling araw nangyari ang engkuwentro sa No. 10 East Riverside, Bgy. Paraiso, Quezon City.

Sa kasagsagan ng operasyon, agad umanong nakatunog ang mga suspek na parak ang kanilang katransaksiyon dahilan upang bumunot ng baril si Rene at dito na tuluyang sumalakay ang nakaantabay na mga operatiba ng Station Anti–Illegal Drugs ng Masambong Police at nagkabarilan na ikinasawi ng tatlong suspek.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Narekober ng mga tauhan ng Scene on the Crime Operation (SOCO) ang tatlong caliber .45 baril, mga drug paraphernalia at mga sachet ng umano’y shabu.

Ayon kay Bernaldez, matitinik na drug pusher ang apat at hinimok nang sumuko sa Oplan Tokhang ng QCPD ngunit patuloy pa rin umano ang mga ito sa pagtutulak.

Samantala una rito, dakong 6:30 ng gabi kamakalawa, napatay din sa buy-bust operation ng Novaliches Police Station 4 ang umano’y drug pusher na si Carlito Batac y Austria, alyas “Balat”, 26, ng B-6 L-4, Cariñosa Compound, Bgy. Sta. Monica, Novaliches.

Base sa report, pumalag at nanlaban si Balat sa grupo ng SAID ng QCPD-PS4 na nauwi sa barilan na kanyang ikinamatay.

(Jun Fabon)