Mukhang hindi pa rin natitinag ang adik at tulak sa kampanya kontra ilegal na droga makaraang maaktuhang bumabatak ng shabu ang apat na lalaki sa anti-drug operation ng mga tauhan ng Makati City Police, kahapon ng madaling araw.

Naghihimas na ngayon ng rehas sina Gideon Daruca y Gonzaga, 30, ng No. 134 Lotus Street, ISG Central, Barangay Southside, Makati City; Mello Jose Patadilla, 27; Christian Perez, 36; at Joselito Acdal, 21, pawang residente ng Pinagsama, Taguig City.

Sa ulat na natanggap ni Makati City Police chief Senior Supt. Milo Pagtalunan, dakong 1:10 ng madaling araw nagsagawa ng anti-drug operation ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 10 at tuluyang nabisto ang apat habang nagpa-pot session sa loob ng bahay ni Daruca.

Nakumpiska sa mga suspek ang limang maliliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Hanash ni Roque: 'May karapatan akong tawaging bangag si Marcos Jr!'

Nakatakdang maharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Makati Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)