KUNG tinaguriang “The Day the Music Died” ang pagkasawi sa plane crash ng tatlong maaalamat na musician na sina Buddy Holly, Ritchie Valens, at J.P. “The Big Bopper” Richardson noong Pebrero 3, 1959, maaari namang sabihin na ang 2016 ay “The Year the Music Died”, dahil sa taong ito pumanaw ang ilan sa pinakamahuhusay na musikero sa kasaysayan — ang huli ay si George Michael, na pumanaw nitong Pasko.
Balikan ang istorya ng ilan sa mga kilalang Hollywood musicians na nagtapos ngayong taong 2016.
1. George Michael
Pumanaw ang batikang singer sa edad na 53, ngayong Pasko dahil sa heart failure. Matataandaang umusbong ang career ni Michael sa London noong 1980s at mahigit 100 million albums ang naibenta sa loob ng apat na dekadang karera niya dahilan upang tagurian siyang one of the world’s biggest-selling artists.
Ilan sa mga pumatok na awiting isinulat ni Michael ang Last Christmas, Faith, Freedom ‘90, One More Try, Careless Whisper at Fastlove.
2. Leonard Cohen
Nobyembre 7 nang pumanaw ang Canadian singer at songwriter, sa edad na 82 na iniulat na pumanaw sa kanyang pagkakatulog. Si Cohen na Grammy at Canadian Songwriters Hall of Fame Awardee ay kilala sa kanyang mga nilikhang awitin na tumatalakay sa relihiyon, pulitika, sekswalidad, at personal relationships.
Ang ilan sa mga awiting ito ay ang Hallelujah, Suzzane, Dance me to the End of Love, So Long, Marriane at Everybody Knows. Tumagal ng limang dekada ang karera ni Cohen sa industriya (1956-2016).
3. Prince (Prince Nelson)
Ang American singer-songwriter, multi-instrumentalist at record producer ay pumanaw noong Abril 21 sa edad na 58. Iniulat na ang pagpanaw ng singer ay dahil sa overdose sa fentanyl. Nakilala si Prince sa kanyang kakaibang pananamit at make-up, eclectic work at sa wide range vocals nito.
Ang ilan sa mga awiting pinasikat ni Prince ay ang Purple rain, When Doves Cry, Let’s Go Crazy, Little Red Corvette at The Most Beautiful Girl in the World. Tumakbo ang karera ni Prince sa loob ng apat na dekada mula 1975-2016.
4. Maurice White
Kinilala ang American singer-songwriter, record producer at band leader na si Maurice dahil sa kanyang mga komposisyon na tumatak sa industriya ng musika sa buong mundo at sa pagkakatatag niya ng bandang Earth, Wind and Fire.
Nakatanggap si White ng pitong Grammy Awards at nakapasok sa Rock and Roll Hall of Fame, Vocal group Hall of Fame at Songwriters Hall of Fame. Ilan sa mga kantang pinasikat ng singer ay ang mga awiting September, Every Now and Then at Thinking of You.
Pumanaw ang singer noong Pebrero 4 sa edad na 74 sanhi ng Parkinson’s disease. Tumagal ng mahigit limang dekada ang kanyang career (1961-2016).
5. Glenn Frey
Enero 18 nang pumanaw ang batikang singer, songwriter at actor sa edad na 67 sanhi ng komplikasyon sa rheumatoid arthritis, acute ulcerative colitis, at pneumonia, habang nagpapagaling sa katatapos pa lamang na gastrointestinal tract surgery.
Kinilala rin si Frey bilang lead singer ng rock band na Eagles at nang lumaon ay naging matagumpay ding solo performer. Ang ilan sa kanyang mga pinasikat na awitin ay ang The One You Love, Smuggler’s Blues, Sexy Girl, The Heat Is On at You Belong to the City.
Bilang miyembro ng bandang Eagles, nakatanggap si Frey ng anim na Grammy Awards at limang American Music Awards.
Tumagal ng limang dekada ang karera niya (1966-2016).
6. David Bowie
Kinilala ang English singer at songwriter sa kanyang natatanging ambag sa industriya ng popular music. Nakapagtala si Bowie ng 140 million worldwide sales kaya tinagurian siyang isa sa world’s best-selling music artists.
Sa UK, nakatanggap siya ng siyam na platinum album certifications, 11 gold and walong silver awards at nagtala ng 11 number-one realased albums.
Tumanggap naman siya sa U.S. ng limang platinum at pitong gold certifications. Nakapasok rin siya sa Rock and Roll Hall of Fame noong 1996.
Pinasikat niya ang mga awiting Space Oddity, Under Pressure, Let’s Dance, Heroes at Ashes to Ashes. Tumakbo ang karera ni Bowie ng mahigit limang dekada (1962-2016). (DIANARA T. ALEGRE)