CAMP MACABULOS, Tarlac City – Isang lalaki ang iniulat na nasawi at grabe namang nasugatan ang siyam na iba pa sa karambola ng ilang sasakyan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway, Barangay Bantog, Tarlac City, Lunes ng madaling araw.
Kinilala ni SPO1 Daniel Banaga ang nasawi na si Emmanuel Sadio, 47, may asawa, ng Pleasant Village, Bgy. Alabang, Muntinlupa City.
Sakay si Sadio sa Toyota Hi-Ace van (AXA-3261) na minamaneho ni Rommel Gonzaga, 44, ng Canlubang, Laguna.
Nasugatan si Gonzaga sa aksidente, gayundin sina Gay, 46; Dale, 13; Megan, 11; Paulo, 11; Cheska, 8, ng Parañaque City; at Editha, 40; Erin, 15; at Ethan Sadio, 8, ng Muntinlupa City.
Nakabanggaan ng Hi-Ace ang Isuzu Elf (AMA-3878) na minamaneho ni Jeffrey Palomo, 30, ng San Miguel, Bulacan; at Isuzu 10-wheeler truck (RJN-133) na minamaneho ni Rommel Briones, 44, ng Bgy. San Juaquin, Pasig City. (Leandro Alborote)