ZAMBOANGA CITY – Hindi pa batid ang sanhi ng sunog na sumiklab nitong Pasko sa malaking bahagi ng squatter areas sa mga barangay ng Camino Nuevo C at Canelar, at tumupok sa nasa P4 milyon halaga ng ari-arian at nakaapekto sa may 1,300 katao.

Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Chief Elmier Apolinario, inabot ng apat na oras ang sunog na nagsimula bandang 7:40 ng gabi nitong Pasko, at naapula bandang 11:30 ng gabi.

Tumagal naman hanggang 2:00 ng umaga kahapon ang mapping operations sa natupok na lugar.

“Initially, the City Social Welfare and Development Office (CSWDO) has listed 246 houses that were razed to ground, about 1,300 individuals were displaced by the fire incident and an estimated P3-4 million worth of properties were turned to ashes due to the fire,” ani Apolinario.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Napaulat din na isang matandang lalaki ang namatay makaraang atakehin sa puso matapos masaksihan ang paglamon ng dambuhalang apoy sa kanyang bahay, samantalang apat na indibiduwal ang nawawala at tatlong iba pa ang isinugod sa ospital sa pagtatamo ng bahagyang sunog sa kanilang katawan.

Napasugod sa lugar si City Mayor Maria Isabelle Climaco at ipinag-utos ang pamamahagi ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga nasunugan.

Sinabi naman ni Apolinario na posibleng madagdagan pa ang bilang ng nasunugan habang kinukumpleto ng CSWDO ang detalye mula sa mga naapektuhan ng sunog. (NONOY E. LACSON)