LAOAG CITY, Ilocos Norte – Isang may kalakasang lindol at dalawa pa ang yumanig sa ilang lugar sa dulong bahagi ng Northern Luzon kahapon ng umaga ngunit hindi nagdulot ng pinsala ang mga ito, ayon sa tanggapan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) dito.

Kinumpirma ni Porferio De Peralta, local researcher ng Phivolcs, na naitala ang 4.6 magnitude na pagyanig dakong 9:23 ng umaga kahapon at ang epicenter nito ay nasa 35 kilometro sa hilaga-silangan ng Pagudpud, Ilocos Norte at may lalim na 16 na kilometro.

Naramdaman ang intensity 3 sa Claveria, Cagayan; intensity 2 sa Pasuquin at Laoag City sa Ilocos Norte; at intensity 1 sa Sinait, Ilocos Sur.

Aniya, tectonic ang pinagmulan ng lindol ngunit hindi ito nagdulot ng aftershock.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Kasunod ng magnitude 4.6 na lindol, naitala rin ng Phivolcs ang tectonic na 3.9 magnitude bandang 9:28 ng umaga. Ang epicentre nito ay natukoy sa 28 kilometro sa timog-kanluran ng Calayan, Cagayan at may lalim na 25 kilometro ngunit hindi naitala ang intensity nito.

Bandang 9:39 ng umaga nang maitala ng Phivolcs ang isa pang magnitude 3.8 na lindol sa 32 kilometro sa timog-kanluran ng Calayan, Cagayan at may lalim na 27 kilometro.

Hindi rin nagdulot ng aftershocks ang dalawang huling pagyanig. (Freddie G. Lazaro)