Labing-apat na crew member ng roll-on, roll-off (RORO) vessel ang nasagip kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos itong lumubog sa Batangas dahil sa naglalakihang alon dulot ng bagyong ‘Nina’.

Ayon kay PCG officer-in-charge Commodore Joel Garcia, lumubog ang MV Starlite Atlantic sa Tingloy, Batangas.

Habang isinusulat ito, sinabi ng PCG na 14 sa 22 crew member ang nasagip habang patuloy namang hinahanap ang walong iba pa.

Nagsagawa na rin ng search and rescue operation ang PCG matapos umanong mawalan ng kontrol ang isa pang RORO sa bayan ng Mabini sa Batangas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa PCG, dakong 11:00 ng umaga nang nawalan ng kontrol ang MV Shuttle RORO 5 matapos bayuhin ng malakas na hangin dulot ng Nina. Tuluyan itong lumubog dakong 3:00 ng hapon. Nasagip naman ang lahat ng 25 tripulante nito.

Samantala sa Marinduque, bandang 6:15 ng umaga nang sumadsad ang isang oil tanker, ang Tanker Obama, sa Barangay Dili sa Gasan.

Samantala, isang pamilyang may 12 miyembro, kabilang ang pitong bata, ang na-rescue ng PCG sa Bula, Camarines Sur. Ayon sa PCG, na-stranded ang pamilya Bolante sa gitna ng nabanggit na ilog bandang 3:30 ng umaga.

Iniulat din ng CGS Oriental Mindoro na pitong sasakyang pandagat ang sumadsad sa baybayin ng Barangay Antonio sa Puerto Galera kahapon ng umaga.

Ayon sa PCG, sumadsad sa baybayin ang Oceanjet12, Oceanjet10, Baleno5, Baleno7, Baleno8, Starlite Polaris, at Starlite Bluesea.

Habang isinusulat ang balitang ito, ayon kay Garcia, walang ebidensiya na may tumagas na langis sa mga nabanggit na insidente. (Argyll Cyrus Geducos at Beth Camia)