Bagama’t kinakatawan na niya ngayon at ang bansang Amerika sa larangan ng chess, hindi nawawala sa puso ni Grandmaster Wesley So ang kanyang pagiging Filipino.
Abot-kamay ng 23-anyos na si So ang pagiging isang world champion, ngunit hindi siya tumigil sa kanyang masigasig at matinding paghahasa ng kanyang kaalaman sa laro upang magpasalamat higit sa lahat sa Panginoon sa lahat ng mga magagandang pangyayari sa kanyang pagiging isang chess player ngayong taong 2016.
Kabilang sa kanyang ipinagpapasalamat ang kanyang pagwawagi ng grand title ng 2016 Grand Chess Tour matapos ang nakamit na anim na puntos mula sa 3 panalo at 6 na draws sa nakaraang London classic.
Sa kabuuan ng torneo ay nakalikom si So ng 36 puntos makaraan ang kanyang 4th place finish sa unang leg sa Paris at runner-up finish sa Belgium leg.
Dahil dito, umangat sya bilang pang- apat sa world rankings ngayong buwan ng Disyembre sa taglay na Elo rating na 2807.8 kasunod nina kasalukuyang world champion Marcus Carlsen ng Norway (2840), ang kanyang kakampi sa US Olympic team na si Fabiano Caruana (2827.5) at Vladimir Kramnik ng Russia (2820).
Pormal na tinanghal si So bilang ika-12 manlalaro na nakaabot ng 2800 Elo rating nang talunin nya sa second round ng London classic si Michael Adams ng Great Britain.
"For most of my life I never imagined a small fish like me could ever do that.Thank you Lord for such kindness to me.I know that alone I can't account for this success.Without you I am nothing," ani So sa kanyang post sa kanyang Flicker account.
Nagdesisyong lumipat sa US pagkaraang mabiktima ng lumalalang pulitika sa sports sa ating bansa nang hindi kilalanin ng Philippine Olympic Committee ang gold medal na kanyang napanalunan sa 2013 World Universiade dahil lamang sa kadahilanang blacklisted sa kanila ang naging delegation head ng bansa sa kompetisyon na si dating Basketball Association of the Philippines secretary general Graham Lim.
Sa kabila ng pagiging kinatawan ng US, nananatili naman kay So ang pagiging Pinoy sa puso at diwa." Proud to be Filipino- American,". wika pa nito sa kanyang post.