ISASAILALIM sa review ang record ng mga kandidatong atleta para sa delegasyon ng bansa sa 2017 Southeast Asian Games para kaagad na mailaglag ang hindi ‘deserving’, ayon sa Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission (POC-PSC) Task Force.
Sa kasalukuyan, umabot sa 600 ang kandidato ng bansa para sa SEAG na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto.
Itinakda mismo ng joint POC-PSC SEA Games Task Force ang dalawang araw na pakikipagpulong sa lahat ng mga kasaling national sports associations (NSA’s) para sa ninanais nitong pagre-review sa performance, assessment sa sinalihang mga torneo at justification sa bawat isinali nitong atleta sa listahan na asam nitong makasabak sa kada dalawang taong torneo.
Una nang itinakda ng Task Force ang mga susunding criteria para sa mga ipapadalang atleta ng kabuuang 37 sports sa paglalabanang 38 na itinakda ng host na Malaysia. Tanging hindi magpapadala ng lahok ang Pilipinas sa sports na cricket na hindi nilalaro sa bansa.
“We are looking at every national sports association (NSA) to deliver at least one gold medal for the country,” sabi lamang ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez.
Ikalawa sa criteria ay ang tagumpay sa internasyonal na kompetisyon tulad sa nakalipas na Rio Olympics, World Level, 2014 Asian Games, Asian Level, Regional Level at Asian Beach Games.
Ang iba pang criteria ay ang (a) young and high potential athlete with define track record, (b) measurable qualifying level, (c) team events for review on case to case basis.
“We will talk talk to NSA on justification if iyung atleta ay dapat ba siyang ipadala. Hindi na puwede na exposure at lalaban ka lamang just because to fulfill a commitment sa international federation,” sambit ni Ramirez.
“Hindi na ito paramihan ng atleta kundi medalya.”
Ang Task Force SEA Games ay binubuo nina Ramirez, PSC Commissioners Charles Raymond Maxey, Ramon Fernandez, Celia Kiram at Arnold Agustin kasama sina PSC executive director Atty. Carlo Abarquez at Ronnel Abrenica, senior executive assistant ni Ramirez at Philippine Institute of Sports (PIS) national training director Marc Velasco habang sa POC ay sina Tomas Carrasco, Jr. (Triathlon Association of the Philippines), David Carter (Philippine Judo Federation), Robert Mananquil (Billiards Sports Confederation of the Philippines), Joni Go (Philippine Canoe-Kayak Federation) at si Reyes (Philippine Karatedo Federation).
Ang nasabing grupo ang hahawak din sa paghahanda ng bansa para sa paglahok nito sa 2018 Asian Games, 2019 Philippine Sea Games at Tokyo 2020 Olympics. (Angie Oredo)