Nagluluksa ngayon ang mga kaaanak at kaibigan ng isang pulis matapos itong tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem na umano’y miyembro ng vigilante group sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.
Duguang bumulagta si PO2 Marlo Bautista, 48, nakadestino sa Police Community Precinct 5 ng Caloocan Police Station, at residente ng No. 11412, Phase 6, Purok 2, Barangay 188, Camarin ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala ng cal. 9mm sa ulo at katawan.
Base sa imbestigasyon, dakong 7:25 ng umaga, sakay sa kanyang motorsiklo si Bautista patungo sa PCP 5 at binabaybay ang kahabaan ng Ilang-Ilang Street, Camarin.
Pagliko niya sa kanto ng Bunag St., Camarin Area B, Bgy. 175, bigla umanong sumulpot ang dalawang suspek na magkaangkas din sa motorsiklo.
Bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at pinagbabaril si Bautista hanggang sa siya’y duguang bumulagta sa semento.
Hindi pa nasiyahan ang mga suspek, bumaba pa umano ang mga ito sa kanilang motorsiklo at pinagbabaril nang malapitan ang nakahandusay na pulis, sabay kuha sa service fire arm ng biktima at tuluyang tumakas.
Narekober ng Scene on the Crime Operatives (SOCO) ang 13 basyo ng bala ng cal. 9mm.
Sa fallow-up investigation, nabatid na sangkot umano sa ilegal drug activities si Bautista. (Orly L. Barcala)